Nasungkit ng kabayong si Court Of Honour ni John Alvin Guce ang naganap na 2015 PHILRACOM “Lakambini Stakes Race” nitong nagdaang weekend sa pista Sta. Ana Park.
Sa largahan ay nasabay si Court Of Honour sa unahan, subalit bago dumating sa unang likuan ay nagmenor muna ni Alvin at hinayaan na mauna ang mga kalaban na may tulin.
Pagpasok sa tres-kuwartos (1,200 meters) ay inumpisahan na ni Alvin na bibohan ang kanyang sakay at agaran naman na nagresponde si kabayo. Sa pagkakataong iyan ay nakakita ng kaluwagan sa gawing loob si Alvin, kaya nagdire-diretso sila na makalapit sa mga nasa harapan.
Pagsungaw sa ultimo kuwartos (400 meters) ay nagkapanabayan na sila ng mahigpit niyang katunggali na si Gentle Strength ni Unoh Hernandez, iyon lang ay mas mahaba ang hininga ni Court Of Honour sa pagremate kung kaya’t nakalayo pa siya ng mahigit sa isang kabayong agwat pagtawid sa meta laban sa dala ni Unoh.
Naorasan ang tampok na pakarerang iyan ng umentadong tiyempo na 1:38.8 (25’-23-23’-26’) para sa 1,600 meters na distansiya. Sa puntong ito ay binabati ko ang pinagpalang owner ni Court Of Honour na si Ginoong Honorato L. Neri, gayon in kina trainer Nestor Manalang at jockey Alvin Guce.
REKTA – Fred Magno