IPAGBABAWAL na ang pagbiyahe ng provincial buses sa kahabaan ng EDSA tuwing rush hour simula ngayong araw, Setyembre 7, 2015.
Ito’y kasunod sa pagpapatupad ng panibagong traffic scheme para tugunan ang problema sa trapiko sa Edsa.
Ang pagbabawal sa provincial buses na bumiyahe sa EDSA ay kinompirma mismo ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB board member Ariel Inton, kanila na itong tinalakay sa transport operators kaugnay sa magiging role ng ng PNP-HPG, MMDA, LTO at LTFRB sa pagpapatupad ng panibagong traffic scheme sa Edsa.
Sinabi ni Inton, ang provincial buses patungong Batangas, Laguna, Bicol at Visayas na manggagaling sa kanilang terminal sa Cubao at Kamuning ay gagamitin ang P. Tuazon road, C-5 at saka didiretso patungong South Luzon expressway (SLEX) simula 6 a.m. hanggang 9 a.m., Lunes hanggang Biyernes.
Kapag weekends at holidays, pwedeng tahakin ng provincial buses ang EDSA.
Mahigpit ding ipatutupad ng LTFRB ang yellow lanes sa EDSA para sa passenger buses maliban sa private vehicles na mag-left at right turn para sa kanilang exit.
Babala ng LTFRB, mabigat ang parusang kahaharapin ng drivers na susuway sa panibagong traffic scheme.
Sinabi ni Inton, nasa P1 milyon ang multang ipapatupad sa mga lalabag sa batas trapiko.
Nilinaw ng opisyal na ang P1 million penalty ay applicable lamang kung ang appreheding officers ay deputized agents ng LTFRB at LTO at kapag ginamit ng apprehending officer ang ticket ng MMDA na nasa P6,000 ang penalty.