TULOY-TULOY ang pananalasa ng Gilas Pilipinas matapos nilang kaldagin ang Japan, 75-60 para manatili ang asam na titulo sa William Jones Cup sa Xinchuang Gym sa Taiwan.
Bumandera ng 12-2 run ang mga Pinoy cagers sa third quarter at matinding sangga ang kinana nila sa matalim na atake ng Japan sa fourth para walang collapse na magaganap kaya nasungkit nila ang pangatlong panalo sa apat na laro.
Habang sinusulat ito ay makakaharap ng Phl Team ang Iran na nakalasap ng unang kabiguan sa apat na salang matapos silang payukuin ng US, 66-81.
Kasalo ng Iran ang Russia sa top spot habang kaagaw ng Gilas sa third place ang Chinese Taipei – A.
Hindi pinaglaro ni Gilas head coach Asi Taulava laban sa Japan para paghandaan ang pakikipagtipan nila sa matatangkad na Iranians.
Nagpasabog ng siyam na 3-point shots ang Gilas mula kina Terrence Romeo, Gabe Norwood, Gary David, Ranidel De Ocampo at Jayson Castro sa second half.
Abante ng dalawang puntos ang Pilipinas matapos ang tatlong quarters, 46-44 pero kumalas ang Gilas sa pay off period at sa tangkang rally ng Japan sa huling dalawang minuto ay hindi nanatili pa rin ang tikas ng mga Pinoy.
Si Romeo ang nanguna sa opensa para sa Gilas na may 16 points habang kumana ang 10 puntos si Moala Tautuaa kasama ang malulutong na dalawang monster dunks sa final quarter. (ARABELA PRINCESS DAWA)