Justice para kay Doc Gerry Ortega nganga pa rin
Jerry Yap
August 30, 2015
Bulabugin
LIMANG taon na ang nakararaan nang paslangin si Dr. Gerry Ortega.
Matagal nang natukoy ang mga utak sa pamamaslang. Ang dating Palawan Governor Joel T. Reyes at ang kanyang kapatid na si Mario Reyes.
Pero hanggang sa kasalukuyan hindi pa rin nauumpisahan ang paglilitis dahil sa patuloy na pagmamatigas ng mga Reyes na huwag sumailalim sa kustodiya ng hukuman.
Hanggang sa kasalukuyan ay mas gusto nilang maging pugante sa batas.
Limang taon na rin ang nakararaan nang mangako ang Aquino administration na gagawin ang lahat para maiharap sa batas ang mga suspek sa pamamagitan ng paghahain ng pabuya sa sino mang makapagtuturo sa mga magkapatid na suspek at pagbubuo ng task force pero hanggang sa kasalukuyan, matatapos na ang termino ni PNoy, nganga pa rin ang pamilya Ortega.
Matatapos na ang termino ni PNoy at nahaharap na naman sa 2016 presidential election ang bansa pero wala pa rin balita kung ano na ang estado ng paghahanap sa Reyes brothers.
Parang gusto lang patunayan ng administrasyong Aquino, ng PNP at iba pang law enforcement units sa bansa na ang ating bansang Filipinas ay hindi ligtas para sa mga mamamahayag.
At marami ang nagtataka kung bakit tila kuhol ang mga awtoridad para burahin ang impresyon na ito ng mundo sa ating bansa.
In short, wala tayong makitang pagkilos mula sa mga awtoridad para tulungang makamit ang katarungan sa pamilya Ortega gayon din sa iba pang biktima ng media killings at iba pang extrajudicial killings.
Kung nabuburo ang paglilitis laban sa mga Reyes, sa Hong Kong, kamakailan lang, nasentensiyahan ng 19 taon pagkakabilanggo ang dalawang suspek na sina
Yip Kim-wah at Wong Chi-wah na umatake at grabeng sumugat sa mamamahayag na si Kevin Lau Chum, editor ng Ming Pao.
Misteryo pa rin ang rason kung bakit inatake ng dalawa ang editor, pero ang maliwanag, nahatulan sila dahil sa pag-atake at pananakit sa isang mamamahayag.
Kailan kaya mangyayari ang ganitong paggawad ng katarungan sa ating bansa?!
Sana man lang ay maimarka ng PNoy administration ang deterrent laban sa media killings sa pamamagitan ng paggawad ng katarungan sa pamilya Ortega.
I’ll keep my fingers crossed.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com