Justice para kay Doc Gerry Ortega nganga pa rin
Jerry Yap
August 30, 2015
Opinion
LIMANG taon na ang nakararaan nang paslangin si Dr. Gerry Ortega.
Matagal nang natukoy ang mga utak sa pamamaslang. Ang dating Palawan Governor Joel T. Reyes at ang kanyang kapatid na si Mario Reyes.
Pero hanggang sa kasalukuyan hindi pa rin nauumpisahan ang paglilitis dahil sa patuloy na pagmamatigas ng mga Reyes na huwag sumailalim sa kustodiya ng hukuman.
Hanggang sa kasalukuyan ay mas gusto nilang maging pugante sa batas.
Limang taon na rin ang nakararaan nang mangako ang Aquino administration na gagawin ang lahat para maiharap sa batas ang mga suspek sa pamamagitan ng paghahain ng pabuya sa sino mang makapagtuturo sa mga magkapatid na suspek at pagbubuo ng task force pero hanggang sa kasalukuyan, matatapos na ang termino ni PNoy, nganga pa rin ang pamilya Ortega.
Matatapos na ang termino ni PNoy at nahaharap na naman sa 2016 presidential election ang bansa pero wala pa rin balita kung ano na ang estado ng paghahanap sa Reyes brothers.
Parang gusto lang patunayan ng administrasyong Aquino, ng PNP at iba pang law enforcement units sa bansa na ang ating bansang Filipinas ay hindi ligtas para sa mga mamamahayag.
At marami ang nagtataka kung bakit tila kuhol ang mga awtoridad para burahin ang impresyon na ito ng mundo sa ating bansa.
In short, wala tayong makitang pagkilos mula sa mga awtoridad para tulungang makamit ang katarungan sa pamilya Ortega gayon din sa iba pang biktima ng media killings at iba pang extrajudicial killings.
Kung nabuburo ang paglilitis laban sa mga Reyes, sa Hong Kong, kamakailan lang, nasentensiyahan ng 19 taon pagkakabilanggo ang dalawang suspek na sina
Yip Kim-wah at Wong Chi-wah na umatake at grabeng sumugat sa mamamahayag na si Kevin Lau Chum, editor ng Ming Pao.
Misteryo pa rin ang rason kung bakit inatake ng dalawa ang editor, pero ang maliwanag, nahatulan sila dahil sa pag-atake at pananakit sa isang mamamahayag.
Kailan kaya mangyayari ang ganitong paggawad ng katarungan sa ating bansa?!
Sana man lang ay maimarka ng PNoy administration ang deterrent laban sa media killings sa pamamagitan ng paggawad ng katarungan sa pamilya Ortega.
I’ll keep my fingers crossed.
Tunying biktima rin ng pandarahas
ANO man ang rason ng pandarahas sa Café ni ABS CBN anchorman Anthony Ta-berna, malinaw na ito ay kawalan ng takot at pambabastos sa mga awtoridad.
Sa gitna ng umiinit na conflict sa hanay ng Iglesia Ni Cristo (INC), nagkakaroon ng iba’t ibang uri ng pandarahas. (Sana naman ay hindi kasama dito ang kaso ni Tunying).
Marami tayong kabigan na miyembro ng INC. Tuwina ay sinasabi kong bilib ako sa pagiging organic person nila.
Ibig kong sabihin, disiplinado sila at laging sumusunod sa displina at mga patakarang ipinatutupad ng kanilang organisasyon o sekta o simbahan.
Batid nating malaking krisis rin itong kinakaharap ng INC, pero gusto nating ulit-ulitin na laging may perimeter ang mga patakaran at alituntunin ng isang organisasyon, sekta o simbahan dahil mayroong SALIGANG BATAS na umiiral sa ating bansa.
Hindi ba’t ganito rin ang argumento ng mga law enforcer sa mga militanteng organisasyon na mahilig ipahayag ang kanilang damdamin sa pamamagitan ng pagmamartsa sa kalye?
Pero ang higit na ikinaiinis ng iba nating kababayan, ang tila pambu-bully umano ng ilang opisyal ng INC sa pamahalaan lalo na sa mga TRAPO.
Kumbaga, tila ginagamit umano ng ilang opisyal ng INC ang organisadong lakas nila para makuha ang gusto nila.
Open-secret daw kasi sa bansa na kapag ang isang politiko ay sinuportahan ng INC sa eleksiyon, tiyak na ang panalo.
At mukhang ito raw ang ipinamumukha ng ilan sa INC.
Anyway, tayo po ay naghahangad na maresolba nang payapa at maayos ang kinakaharap na krisis ngayon ng INC.
Wish lang natin na sana’t hindi na magkaroon pa ng sanga-sangang komplikasyon ang krisis na ito.
Bilang isang Filipino, isa tayo sa mga na-tutuwa na ang sektang INC ay nag-ugat at itinatag ng isang Filipino at ngayon nga ay nakapagpapalawak na sa ibang bansa.
Inirerespeto ng inyong lingkod ang pagtatanggol ninyo sa inyong simbahan pero paalala lang po, tayo pong lahat ay nananatiling Pinoy at sumasailalim sa isang Saligang Batas. ‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com