PUMALAG kahapon ang liderato ng Iglesia ng Cristo (INC) at sabay na kinuwestyon ang hindi pangkaraniwang atensiyon na ibinibigay ni Justice Secretary Leila de Lima sa mga sinibak na kasamahan na nagsampa ng kasong illegal detention laban sa ilang ministro sa Department of Justice.
Sa isinagawang press conference sa INC Central sa Quezon City, si General Evangelist Bro. Bienvenido C. Santiago ang kumuwestiyon sa tunay na motibo ng justice secretary makaraang kanilang mapag-alaman na mismong ang kalihim ang personal na nag-asikaso sa pagsasampa ng kaso pabor sa mga sinibak na miyembro sa pangunguna ni Isaias Samson Jr.
“Ang pagsulong ng reklamong inihain ni Samson ay napag-alaman naming ginawa sa ilalim ng patnubay ni Secretary De Lima, sapagkat labis at hindi pangkaraniwan ang atensiyon na iniukol niya, ano kaya ang motibo niya?” pagtatanong ni Santiago.
Dagdag niya: “Nakarating po sa aming kaalaman na may ilan pong inaalagaan ang DOJ na mga inalis na sa Iglesia at mga kabilang sa nais manggulo sa samahan.”
Aniya, sadyang nagtataka sila sa tunay na motibo at sobrang atensiyon ng kalihim na hindi nakita at naramdaman ng sambayanang Filipino sa isyu ng mga napaslang na miyembro ng Special Action Force (SAF).
Dalawa sa mga napaslang ay kapatid namin sa Iglesia ngunit matahimik kaming naghintay sa mga gagawin ng DOJ para tugisin at usigin ang mga may kagagawan ng madugong pangyayari, ani Santiago.
“Kompara sa 44 sundalo na napatay sa Mamasapano, dito sa inirireklamo ni Samson ay wala ni isang lamok na napatay, halata namang kasinungalingan ang sinasabi ng mga nagreklamo,” ayon kay Santiago.
“Gusto namin paratingin kay Secretary De Lima at sa mga nag-utos sa kaniya na hinihiling namin ngayon sa Iglesia na pag-ukulan din niya ng kasing-sigasig ang kaso ng Fallen 44. Sa madaling sabi dapat ay maging parehas at walang bias ang Kagawaran ng Katarungan,” ayon sa General Evangelist.
“The least we can expect from the Department of Justice is justice,” dagdag niya.
Sa mga sinibak na miyembro, aniya, tama lang ang ginawa ng INC na dalhin sa labas ng Iglesia ang mga nanggugulo at nagtatangkang maghasik ng pagkakabaha-bahagi dahil ito ang paraan upang mapanatili ang pagkakaisa ng Iglesia.
HATAW News Team