PALIBHASA hindi commuter dahil may sariling sasakyan at sariling driver, nakapagdedesisyon na magdaan sa mga kalye na hindi apektado ng matinding traffic kaya nakapagkokomentaryo pa si Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Joseph Emilio Aguinaldo Abaya na hindi raw nakamamatay ang traffic.
Kapalmu!
Sabi nga less talk, less sin.
Kaya lang mukhang hindi alam ‘yan ni Secretary Abaya kaya kung makapagsalita siya ‘e parang walang masamang epekto sa kabuuan ng lipunan ang mabigat na trapiko ng sasakyan na hindi nila masolusyonan.
Kailangan palang may mamatay muna sa traffic bago sila umaksiyon?!
Napaghahalata tuloy na walang malasakit ang administrasyong Aquino sa mga ordinaryong mamamayan na direktang naaapektohan ng matinding traffic sa kalsada.
Mga manhid at walang pakiramdam.
Pabor tayo sa posisyon ng isang organisasyon na sampahan ng kaso si Abaya at ang iba pang opisyal ng pamahalaan dahil sa pagsisinungaling na gaganda ang serbisyo sa ng LRT at MRT sa oras na maitaas ang pasahe.
E ilang beses na na nagtaas ng pasahe ang LRT at MRT?
Umayos ba ang serbisyo ng MRT at MRT, Secretary Abaya?!
Tell it to the marines!