PAANO pa nga ba ibabalik ang matatandang puno sa Army Navy Club gayong pinayagan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang mga ito ay lagariin at itumba sa ngalan ng isang proyektong hotel/casino/spa?!
Ang nasabi umanong hotel/casino/spa ay pag-aari ng isang Simon Paz.
Isa ng negosyanteng umnao’y sikat na sikat at kilalang-kilala ng matataas na opisyal ng pamahalaan dahil sa pagpapraktis ng political patronage.
Dose-dosenang matatandang puno na pinaniniwalaang mahigit pa sa kalahating siglo (50 taon) ang edad ng mga punong itinumba ng developer ng Oceanville Hotel and Spa Corporation.
Isang Simon Paz umano ang may-ari ng Oceanville Hotel and Spa Corporation.
Ayon mismo sa arkitekto at kilalang urban planner na si Felino Palafox Jr., ang nasabing mga puno ay bahagi ng kanyang design na ipinasa sa developer ng nasabing proyekto.
Kaya maging siya ay nagtataka kung bakit pinutol ang mga puno. Pero siyempre, wala umano silang control doon dahil kinuha sila para sa design hindi para sa implementasyon ng proyekto.
Isa sa mga unang nagsalita laban sa nakahihindik na pagputol sa matatandang puno sa Army Navy Club ang presidente ng Museo Pambata na si Ms. Nina Lim-Yuson.
Ayon kay Ms. Yuson, nagimbal siya nang makitang pinagpira-pirasong troso na lamang ang mga punong dating nagbibigay-lilim laban sa sikat ng araw sa Museo Pambata.
Sa permisong ibinigay ng DENR, nabatid na 44 puno ang maaapektohan sa proyekto ng Oceanville. Pinayagang putulin ang 31 habang ang 13 ay kailangang hukayin at muling itanim.
Naganap ang pagputol noong Hulyo 30 hanggang Agosto 2.
Hindi pa man tapos ang kontrobersiyal na ‘pambansang photo bomber’ e heto na naman ang pinakabagong paglapastangan hindi lang sa kapaligiran kundi maging sa pamana sa ating lahi.
Si Ms. Nina Lim-Yuson pa lang ang naririnig natin kumikibo.
Hindi pa natin naririnig, ang mga masugid na alagad ni Gat Jose Rizal.
Ngayong isang hotel/casino ang nakatakdang itayo diyan sa Army Navy Club, ilang metro lang ang layo sa Dr. Jose Rizal National Shrine, ano ang masasabi ng ating mga mga makabayang historyador?!
Kailan naman kaya magsasalita sina National Historical Commission of the Philippines (NHCP) chair Maria Serena Diokno at Executive Director III Ludovico Badoy?!
Kapag umiinit na naman ang isyu?!
Aba e kung medyo kampante na kayo sa inyong mga obligasyon at responsibilidad, puwede na rin namang magbakasyon at magretiro, Ms. Diokno and Mr. Badoy.
E tingin natin kaya nagkakagulo kasi parang wala kayong kamuwangan sa trabaho ninyo.
Igiit n’yo naman na mayroong NHCP.
‘Yun lang.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com