GUSTO po natin manawagan sa mga Makati goers lalo na ‘yung mga enjoy na enjoy maglakad along Makati Ave., Ayala Ave., Pasong Tamo Ave., and Buendia Ave.
Mag-ingat po kayo sa mga tutok-kalawit o ipit gang na bigla na lamang didikit sa pedestrian para holdapin.
Isang kabulabog po natin ang nabiktima ng mga tutok-kalawit (isang uri ng panghoholdap) o ipit gang kamakalawa habang naglalakad sa hi-tech na underpass ng Makati City malapit sa Makati Avenue.
Naalala tuloy natin na maraming naglalakad sa nasabing area na mga estudyante ng Far Eastern University (FEU) at siyempre mga nagtatrabaho at residente mismo na kailangan gumamit ng underpass.
Napakabilis lang ng modus operandi. Mga dalawa hanggang tatlo katao ang sasabay sa “target victim.”
May dala pa kunwaring diyaryo o jacket ang suspek na didikit sa biktima. Habang ‘yung isa ay didikit rin para tuluyang maipit ang target victim.
Kapag napagitnaan na nila ang biktima, ilaladlad ang diyaryo para matakpan ang armas na ipinatututok nila saka magdedeklara ng holdap.
Kapag nakuha na ang valuables ng biktima mabilis na lalakad palayo sa biktima o kaya ay babalik paakyat sa kalyeng pinanggalingan gaya ng Makati Ave.
Presto!!!
Hindi na sila makikita ng biktima at hindi rin alam kung kanino hi-hingi ng tulong dahil walang makitang pulis sa paligid.
Tama ba ‘yun, PNP NCRPO chief, Gen. Joel Pagdilao?!
Mukhang kampanteng-kampanteng si Makati City police chief, Senior Supt. Manuel Lukban sa kanyang area of responsibility (AOR) lalo na sa talamak na holdapan sa underpass!?
Wala kasing masyadong maramdamang conflict si Kernel Lukban sa kanyang AOR?
O baka boring na ang kanyang posisyon diyan?! Kaya kahit deployment for police visibility ‘e hindi maasikaso ni Kernel Lukban?!
Ano sa palagay ninyo, Southern Police District (SPD) Director, C/Supt. Henry Rañola?!
Aba, mukhang tunay na barako ang dapat mong ipalit kay Kernel Lukban.
‘Yung mahilig sa aksiyon at hindi palamig-lamig o pahintay-hintay lang ng mga parating… na asunto.
‘Di ba NCRPO chief, Pagdilao?!