Pati CIDG may kolektong?
Robert B. Roque, Jr.
August 11, 2015
Opinion
ANG mandato ng WACCO o Women and Children Complaints Office ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay asikasuhin ang mga kaso ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan, pati mga menor de edad nahaharap sa panganib, pinsala o pagsasamantala.
Ang Anti-Transnational Crime Division (ATCD) ng CIDG naman ay isang espesyal na unit na nakabase sa Metro Manila at hawak ang mga kasong transnational crimes, kabilang ang human trafficking.
Ang mga pulis na nakatalaga sa dalawang naturang yunit ay nagsanay para pagtuunan ang pagpoprotekta sa mga kababaihan at kabataan laban sa pang-aabuso at human trafficking.
Kaya nagulat ako kung totoo man ang report na nakalap ng Firing Line na may karagdagang pagsasanay umano na dinaraanan ang WACCO at ATCD, at ito ay kung paano mangolekta ng tong sa lugar o establisimiyento na sasalakayin.
Ayon sa ating mga espiya, isang William Cajayon na dating pulis na nasibak sa serbisyo ang kolektor umano ng tong ng WACCO at ATCD ng CIDG. Ipinangongolekta raw si Senior Superintendent Romeo Baleros, hepe ng WACCO sa buong Metro Manila.
Si Cajayon umano ay na-dismiss na pulis QC na-entrap ng NBI na nanghulidap, at inireklamo sa isang TV program. Ngayon ay nagpapanggap na pulis habang nangongolekta ng tong.
At ayon sa mga espiya ng Firing Line, lagi raw may dalang uniporme ng pulis sa kotse, na ginagamit pang-“show up” sa mga kinikikilan niya.
Ano ito? Kung sino pa ang inaasahang magbigay ng proteksiyon sa mga babae at bata ay sila pa ang nagpapabulag at nasisilaw sa salapi.
Kaya ba malakas ang loob ng kasa at night club na magbenta ng panandaliang aliw sa iba’t ibang siyudad sa Metro Manila, lalo sa Makati, Pasay, Parañaque, Quezon City, at mag-empleyo ng mga batang babae at menor de edad na inaalok sa mga parokyano?
Director Benjamin Magalong, PNP CIDG chief, dapat sigurong arestohin ang Cajayon na ‘yan at paimbestigahan na rin ang WACCO chief na si Baleros, upang malaman kung may basbas nga niya ang pag-iikot ni Cajayon sa mga night club at prostitution houses.
Tiyak na hindi kukunsintihin ng bagong PNP Chief na si Deputy Director General Ricardo Marquez ang ganyang kalokohan.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.