TUGUEGARAO CITY – Matagumpay na narekober ng mga awtoridad ang apat malalaking pakete ng shabu na may timbang na 2.543 kilos sa Basco, Batanes kamakalawa.
Ayon kay Senior Insp. Rodel Gervacio, hepe ng PNP Basco, Batanes, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa concerned citizen na may nakapasok na ilegal na droga sa kanyang nasasakupang lugar kung kaya’t agad silang nagsagawa ng operasyon kasama ang mga kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2.
Narekober nila ang shabu na matagal nang nakabaon sa lupa sa bahagi ng Mount Iraya sa Batanes.
Ani Gervacio, ang shabu na may timbang na mahigit dalawang kilo ay inilagay sa isang bag at binalot ng itim na supot saka ibinaon sa lupa.
Nabatid sa opisyal na ang kanilang nakuhang na ilegal na droga ay nagkakahalaga nang mahigit P7 milyon.
Tumanggi munang pangalanan ng opisyal ang sangkot sa pagtatago ng nasabing shabu sa lugar upang hindi madiskaril ang kanilang imbestigasyon.
Nasa PNP crime laboratory na sa Police Regional Office-2 ang nasabing shabu.