NAGLABAS na ang Santo Niño Parochial School (SNPS) ng Certificate of Good Moral Character (GMC) para kay Krisel Mallari, ang salutatorian na pinahinto sa pagtatalumpati sa kanilang graduation rites nitong nakaraang Marso.
Kumalat sa internet ang video ng speech ni Mallari na pinatigil dahil sa pagkuwestiyon niya sa sistema ng pagbibigay ng grado ng paaralan at kung bakit hindi niya nakuha ang pinakamataas na ranggo sa kanilang klase.
Nanganib na hindi makatuloy sa kolehiyo si Mallari sa University of Santo Tomas na nakakuha siya ng scholarship para sa kursong accounting, nang tumanggi ang SNPS na bigyan siya ng GMC certificate.
Ngunit kinatigan ng Court of Appeals ang hiling ni Mallari para rito.
Sinabi ng legal counsel ng SNPS na si Atty. Maritonie Resurreccion, sa kabila ng pagbibigay ng GMC certificate kay Mallari ay kukuwestiyonin nila kung saklaw ng korte ang pag-atas sa mga paaralan na maglabas nito.
“Even until now po, we are assailing the order of the court. Although we issued a Certificate of Good Moral Character , we stand by that we should not be forced to issue a Certificate of Good Moral Character in favor of Krisel Mallari.”
Kaugnay nito, maghahain ng motion for reconsideration ang paaralan at sakaling mabasura ito ay iaakyat nila ang apela sa mas mataas na korte.
“This will become a precedent kaya kailangan maliwanagan talaga na ‘pag ayaw mo bang mag-issue ng Certificate of Good Moral Character, pwede kang pilitin,” ani Resurreccion.