LA UNION – Patuloy na inoobserbahan ng Department of health (DoH) Region 1 ang limang estudyante ng Bolingit Elementary School sa San Carlos City, Pangasinan, na nakaranas ng pananakit ng tiyan makaraan uminom ng deworming tablet ng ahensiya.
Sa impormasyong mula kay DoH regional director Dr. Myrna Cabotaje, nakaramdam ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ang limang estudyante makaraan painomin ng Albendazole tablet noong Hulyo 29.
Agad silang itinakbo sa pagamutan ngunit hindi na pina-admit ng kanilang mga magulang.
Ayon kay Dr. Cabotaje, sinasabing kumain lamang ng junk foods at palamig ang nasabing mga estudyante bago sila uminom ng gamot para sa bulate.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri ng DoH.