Dedma na naman sa Freedom of Information (FOI) Bill? (Sa huling SONA ni PNoy…)
Jerry Yap
July 30, 2015
Opinion
PAGKATAPOS ukilkilin ng mga taga-media at netizens ang hindi nabanggit na Freedom of Information (FOI) Bill sa huling state of the nation address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III nitong nakaraang Lunes (Hulyo 27), saka lang nagpahayag ang Palasyo ukol sa usapin.
Prayoridad daw iyon na tatalakayin sa regular na pagbubukas ng Kongreso pagkatapos nitong Lunes.
Mismong sina Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr., na ang nagsabi niyan at Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte.
Dalawang Sonny na ‘yang nagsasalita na ‘yan. Sana naman ay magkatotoo na!
Hindi praise release lang ni Colokoy ‘este’ Coloma.
Aba ‘e nabinbin na ‘yan noong 15th Congress dahil sa kagagawan ng mismong chairman ng committee, sana naman ay totoong hindi na mabuburo ‘yan ngayon.
Para sa ating mga suki, gusto po nating ipabatid sa inyo na napakahalaga na maisabatas ang panukalang batas na ito dahil proteksiyon ito hindi lamang sa aming mga mamamahayag kundi maging sa lahat ng mamamayan.
Sa pamamagitan po ng FOI, ang isang nanunungkulang opisyal ng pamahalaan, halal man, appointee o protektado ng Civil Service Commission (CSC) ay hindi madaling makagagawa ng katiwalian dahil ipa-tutupad nang wasto ang transparency sa ilalim ng FOI.
Ang sabi ng Palasyo, umaasa raw sila na aaprubahan na ng mga mambabatas ang panukalang ito.
Matagal na itong hinihintay ng mga mamamayan. Dahil sa sandamakmak na korupsiyon ang nalalantad ngayon sa iba’t ibang tanggapan at sangay ng pamahalaan, mahigpit na talaga ang pangangilangan para rito.
Kapag naaprubahan ang FOI, makikita ang larawan ng implementasyon nito sa iba’t ibang programa ng pamahalaan gaya ng Transparency Seal and Citizen’s Charter, ganoon din ang pagpo-post sa government websites ng mga impormasyon sa budget disbursement at electronic procurement.
Sana naman ay hindi nagkakamali ng ‘kutob’ si Secretary Coloma na magdadagdag ng focus sa FOI ang mga mambabatas para sa tuluyang pag-apruba nito.
Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang nasabing measures sa first reading noong Marso 4, 2015. Habang ang technical working group (TWG) ay binuo upang mapabilis umano ang pagpapasa sa nasabing Bill.
Sa Senado, naipasa na ito sa third and final reading noong Marso 10, 2014.
Wish lang natin na huwag gamitin ng mga tradisyonal na politiko (TRAPO) na tila pangawil ang FOI Bill para lamang iboto sila sa 2016 elections.
Paalala lang po sa mga kababayan natin, BACKLOG po ng kabuuan ng KONGRESO ang pagka-binbin ng FOI kaya huwag na huwag po kayong magpapagoyo sa mga politiko na magsasabi sa inyo na sila ang dahilan para maaprubahan ‘yan ngayon huling taon ng 16th Congress.
Sa madaling sabi, ‘WAG MAGPAGOYO sa ngalan ng matagal nang nakabinbin na FOI Bill!
Quinta Market atbp. pasok sa Joint Venture Agreement para raw sa pagbabago at pag-unlad ng Maynila
SCRIPT reading.
Mukhang d’yan daw talaga magaling ang isang dating artista at ngayon ay politikong namumuno sa Maynila.
Naging presidente na rin siya ng bansa, ‘yun lang pinatalsik dahil sa pandarambong hanggang masentensiyahan na PLUNDERER.
Pero mukhang walang natutunan si Erap a.k.a. Joseph ‘d actor’ Estrada sa kanyang masaklap na karanasan.
Ngayon kasi, public markets naman sa Maynila ang target na pagkakitaan!?
Nauna na nga ang makasaysayang Quinta Market na naging saksi, hindi lang sa kasaysayan ng Maynila kundi maging sa ipinakitang katapangan ng mga ninuno natin noong mga panahon ng pana-nakop ng mga dayuhan.
Grabe na raw ang tulo ng bubong at dilapidated na raw talaga kaya ipinasya ng City Government ng Maynila sa pamumuno ni Erap, na humanap ng joint venture agreement (JVA) para raw maipagawa ang nasabing palengke.
‘E ang tanong lang naman ng mga urot sa city hall ay ito: Hindi ba’t ipinagmalaki ni Erap sa kanyang suka ‘este SOCA (State of the City Address) na P9.2B na ang kinikita ng Maynila.
Wow, bilyones!
‘E nasaan? Bakit kailangan pa ng JVA?!
Hindi na tayo nagtataka kung bakit matindi ang pagtutol ng mga antigong manininda sa Quinta.
Hindi kasi maipaliwanag maigi ng administrasyon ni Erap kung bakit kailangan pumasok sa isang joint venture gayong umangat daw ang kita ng siyudad.
Mismong si Cong. Amado Hatsing ‘este Bagatsing, ay nagtatataka at nagtatanong bakit kailangan makipagkontrata ang city government sa MARKETLIFE na noong November 2014 lang narehistro sa SEC at may paid-up capital lang na P3.2M!?
What the fact!?
Ano ang talagang nasa likod ng joint venture na ‘yan? Hindi lang ‘yang Quinta Market, isusunod na rin d’yan ang iba pang pampublikong palengke sa Maynila.
Tsk tsk tsk…
Jackpot na jackpot na naman ang mga tulisan sa city hall!
E ang Maynila kaya?! Kayo na po ang sumagot, bayan!
Tourist friendly pa ba ang BI Kalibo International Airport!?
Since malapit na uli ang anniversary ng Bureau of Immigration (BI), mas maganda siguro kung isama sa kanilang programa ang pagbibigay ng award sa mga sub-ports na may pinakamaraming accomplishments pati na ang mga may SALTO!
Pagdating sa mga salto, naturalmente No. 1 candidate ang BI-Kalibo Airport s’yempre!
Ayon sa isang Aklan local media, nitong isang linggo ay nabalita (o itinago?) na mahigit 50 Chinese nationals galing sa Wenzhou, China ang ini-exclude daw sa nasabing airport dahil dumating nang walang hawak na visa.
What the fact!?
Ang mga nasabing singkit na turista ay nakatakda sanang mamasyal sa Boracay pero ang kanilang group tour leader na siyang may hawak ng kanilang group visa ay hindi yata nakasama sa kanilang flight.
Pero sa hindi malamang dahilan kung ninerbiyos o kinulang sa “common sense” ang naka-duty na Immigration supervisor doon ay nag-decide yata na i-exclude agad ang mahigit 50 turista galing China!
Sonabagan!
Nag-react na raw ang Department of Tourism at agad nakipag-ugnayan sa Immigration kung pwedeng i-allow muna ang pagpasok ng mga turista dahil bukod nga naman sa ipino-promote natin ang tourism sa ating bansa ay sentido kumon lang, hindi naman siguro bibiyahe ang mahigit 50 Chinese kung walang tamang dokumento o visa ‘di ba?
Pansamantala raw muna inilagak sa isang hotel ang mga kaawa-awang turista habang inaantay ang paglabas ng recall of exclusion order galing siyempre kay Comm. Fred ‘valerie’ Mison.
Kahit ikatwiran ng Kalibo Immigration na ginawa lang nila ang kanilang trabaho, pero in-effect nakaperhuwisyo na rin sa nasabing mga turista lalo na kung may kasama pa silang minors o mga bata, ‘di ba?
Kung kayo ang nasa kalagayan nila, mag-i-enjoy ka pa kaya kung naranasan mo ang ganitong klaseng pagtanggap galing sa iyong bansang pupuntahan?
Siyempre medyo less na ang excitement?!
Tama ba BI KALIBO head Madam Hilot ‘este’ Lilot???
Sabi nga ng ilang mga may common sense na taga-Immigration, p’wede naman daw i-hold na lang muna ang kanilang passports sa office at pinalabas na while waiting for the group leader to arrive without showing any pressure to those tourists.
Sa ganoong paraan naiwasan ang gulo, balita at eskandalo. Maipapakita pa natin na may compassion ang Philippines Immigration.
Nasaan ang Filipino hospitality natin sa nangyaring ‘yan?
Kasabihan nga ng matatanda noong araw na ang ka-shongahan ay laging dapat iwanan sa bahay!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com