Sunday , December 22 2024

Overacting na preparasyon inupakan (Gobyerno isolated)

INIHAYAG ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na walang makapipigil sa malawakang protestang itatapat nila sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ngayong Lunes.

Idiniin ni Bayan secretary general Renato Reyes: “Layon po nating ipabatid sa mundo ‘yung tunay na kalagayan ng bansa na ibang-iba sa sinasabing State of the Nation ng Pangulo.”

“Dahil nga huling SONA na, all-out na po tayo para maiparamdam, maiparating ang mga hinaing ng ating mga kababayan sa administrasyon.”

Kasabay nito, pinulaan din ni Reyes ang aniya’y “OA” na paghahanda at harang na inilagay ng pamahalaan upang hindi sila makalapit sa Kongreso na pagtatalumpatian ng Pangulo.

“Kung ang Pangulo ay nais palibutan ang sarili ng sangkaterbang mga truck at concrete barriers at mga pangharang, e lumilitaw po na ang Pangulo ay takot sa sarili niyang mamamayan, takot sa kanyang mga boss, takot na marinig ang kakaibang opinyo o batikos sa araw ng SONA.”

Namataan sa pag-iikot ang mga barbed wire, container vans at command outpost na ipinuwesto ng pamahalaan malapit sa Batasan Road.

Patungkol ni Reyes sa mga ito, “Yun po ang nagpapakita na isolated ang gobyerno, isolated ang Pangulo sa mga mamamayan. Inilayo niya ang kanyang sarili at ang mga naiiwan na lang na kasamahan niya ay ‘yung mga kapwa niya politiko na pare-parehong papalakpak sa SONA ‘pag nag-deliver ng speech ang Pangulo.”

Nanindigan din ang opisyal ng Bayan na labag sa batas ang pagbasura ng gobyerno sa kanilang petisyon na payagang magdaos ng protesta. Wala rin aniya silang intensiyon na magpasiklab ng gulo.

Kaayusan pairalin batas sundin – Palasyo (Apela sa raliyista vs SONA)

NANAWAGAN ang Palasyo sa mga maglulunsad ng kilos-protesta laban sa huling State of the Nation Address (SONA) ngayon ni Pangulong Benigno Aquino III na pairalin ang kaayusan kasabay nang pagpapatupad ng maximum tolerance ng mga awtoridad.

“Nananawagan tayo sa ating mga kapatid na magsasagawa ng mga pamamahayag na pairalin lang po ‘yung kaayusan at sundin lang po ang mga batas hinggil sa malayang pamamahayag, “ sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr.

Naka-deploy na aniya ang mga pulis sa mga lugar patungo at malapit sa Batasan Pambansa complex at tinututukan din ng lahat ng sulok ng bansa para tiyakin ang pag-iral ng katahimikan at kaayusan.

Rose Novenario

Maximum tolerance ipatutupad – PNP (Sa rally vs SONA)

TINIYAK ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na kanilang ipatutupad ang maximum tolerance sa mga magsasagawa ng kilos protesta ngayong araw, sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Ayon kay NCRPO OIC, Chief Supt. Allen Bantolo, sapat ang puwersa na kanilang ideploy maging ang kanilang crowd dispersal management (CDM).

Pahayag ni Bantolo, hanggang ngayon wala pang natanggap na permit ang NCRPO na pwedeng magsagawa ng kilos protesta ang mga militanteng grupo ngayong araw.

Magkagayonman, sinabi ni Bantolo, nakahanda ang PNP sa ano mang contigencies at disturbance.

NCRPO full alert sa SONA

ITINAAS ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang alert level sa full alert status.

Ito’y kaugnay sa kanilang security preparations para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ngayong araw.

Ayon kay NCRPO OIC chief, Chief Supt. Allen Bantolo, all-set na ang kanilang security preparations sa loob at labas ng House of Representatives.

Sinabi ni Bantolo, simula pa noong Biyernes ng hapon, Hulyo 24, kanila nang inilagay sa full alert ang buong Metro Manila.

Eskwela kanselado sa Kyusi

MULA sa mahigit 30 kanseladong eskwela sa Quezon City ngayong araw, ginawa ng lokal na pamahalaan na wala nang pasok sa buong lungsod ang mga estudyante.

Kaugnay ito ng isasagawang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ayon kay city administrator Aldrin Cuna, nagpasya si Mayor Herbert Bautista na ipagpaliban ang klase ng mga bata upang maiwasan ang titinding daloy ng mga sasakyan.

Maging ang panggabing pasok ng mga mag-aaral ay kasama rin sa kinansela.

Gayonman, may pasok pa rin ang government offices sa buong maghapon, maliban sa mga tanggapan na malapit sa Batasan Complex, gaya ng Sandiganbayan na nagdeklarang wala na rin munang transaksyon ngayong araw.

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *