Huling SONA huling bola sa binusabos na mga boss!?
Jerry Yap
July 27, 2015
Opinion
ILANG palakpak, ilang standing ovation… ‘yan ba ang bibilangin ngayon?!
Gaano kagara, gaano kamahal, gaano ka-dated-fashion ang suot na naman ng mga mambabatas at kanilang mga kabiyak?!
Para ring may car show sa mga magagarang sasakyan ng mga mambubutas ‘este mambabatas?
May pangako bang natupad o tuluyang napako sa limot ang pag-asa ng mga ‘boss’ na pinangakuan?!
Oo nga naman, pinangakuan na, tutuparin pa ba?!
‘Yan ba ang magiging pang-ulong balita sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III?!
Higit sa lahat, ihahayag ba ngayon ni PNoy ang kanyang THE ANOINTED ONE?!
Ang sagot: S’yempre lahat nang ‘yan ay ating aabangan.
Pero ano nga ba ang saysay ng numero kung mas lamang ito para sa mga Pinoy na walang trabaho, kabataang hindi makapag-aral at lulong sa shabu, kababaihang rumarampa para sa panandaliang aliw.
Sandamakmak pa rin ang natutulog sa mga kalsada, bangketa at sa mga patio ng simbahan at national parks.
Tuluyang pagkabulok ng ipinangakong state-of-the-art mass transportation… pero mahihiya ang mga sinehan sa haba ng pila sa MRT at LRT ng masang nagtitiyaga sa murang pasahe at mabilis sanang paraan ng pagpunta sa kanilang trabaho o eskwela.
Hindi pa kasama riyan ‘yung bigla na lang titigil sa alanganing lugar ang bagon ng MRT o kaya naman ay dinaig pa ang ‘hinulugang taktak’ sa Antipolo sa lakas ng tulo sa bubungan habang umaandar ang electronic train (MRT or LRT).
Ang patuloy na pamamayagpag ng mga ilegal na sugal.
Ang hindi malinis-linis na katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at pang-aabuso ng ilang political appointee.
Huwag na po tayong lumayo.
Sa Bureau of Immigration lang, sandamakmak ang iregularidad, eskandalo at kaimoralan pero walang balak mag-resign ang political appointee.
Tsk tsk tsk.
Nariyan din ang K-12 program ng Department of Education (DepEd), na hindi talaga maintindihan kung paanong papabor sa ating mga kabataan lalo na sa mga anak ng dukha.
Maging ang serbisyong pangkalusugan ng Department of Health at ang national insurance system na PhilHealth, naglilingkod pa ba sila sa maliliit na kababayan o patuloy lang silang lumalarga para huwag mawalan ng trabaho ang sandamakmakna empleyado at opisyal na pinasusuweldo ng taong bayan?!
May nagawa ba talaga si PNoy sa kanyang ‘MGA BOSS?’
Hala, iulat mo nga sa SONA!
Pagbati ng pakikiisa sa INC
HINDi pa tapos ang kontrobersiya sa loob ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Alam nating mahaba pa ito, pero isa tayo sa mga natutuwa na sa kabila nito, ipinagdiwang nila nang makabuluhan ang kanilang 101 anibersaryo.
Naniniwala ang inyong lingkod na ang pinagdaraanan ngayon ng INC ay bahagi ng pag-unlad ng kanilang simbahan.
Pasasaan ba’t mareresolba rin ang krisis na iyan para sa lalo pang pag-igpaw.
‘Yun nga lang, alam nating hindi maiaalis na magkaroon ng pagkakahati-hati lalo na sa lokal na ngayon pa lamang ay nagaganap na.
Huwag na rin tayong magtaka kung samantalahin ito ng mga kalaban nilang sekta para upakan nang upakan sila.
Anyway, ano man ang pinagdaraanan ngayon ng INC — hindi po natin palalampasin ang pagkakataong ito para batiin pa rin kayo ng MAKABULUHANG 101 ANIBERSARYO!
Lifestyle check sa maluluhong ministro
HINDI po ako natutuwa na nagkakagulo ngayon sa Iglesia Ni Cristo (INC) pero sana po imbestogahan at i-lifestyle check nila ang mga ministro nilang mayayabang at maluluho, parang may magaagndang trabaho wala naman. Iba ang turo sa totoong buhay. Dapat, ‘yang mga ministro na ‘yan ang unang itiwalag. Salamat po. #+63919430 – – – –
Buksan ang isipan para sa magandang kinabukasan
NAPAKAIMPORTANTE talaga sa bawat mamamayan ‘yung mabuksan ang isipan pagdating sa katotohanan at pagiging mulat na rin sa tunay na nagaganap sa lipunan nating gutom sa mabubuting bagay. ‘Ika nga kung nasa katinuan ang isipan mababawasan ang mga kamalian na nagiging sanhi na rin kung bakit napupunta sa kawalan at paulit-ulit na kabiguan ang byan nating nagtitiis. Salamat po. #+63919665 – – – –
Gawaan ng kalsada inihahabol sa eleksiyon
KAPALMUKS talaga ‘yang mga politiko na ‘yan. Kung kailan tag-ulan saka nagkukumahog magpagawa ng kalsada. Tatlong taon silang nanungkulan pero ngayon lang nagpapagawa ng kalsada. Bulok na trapo pa! Pwe! #+63923444 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0927.590.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com