‘Arsenal’ ng INC iimbestigahan — Palasyo
hataw tabloid
July 26, 2015
News
INIHAYAG ng Malacañang na kasama sa iimbestigahan ng PNP at NBI ang napabalitang matataas na kalibre ng armas ng ilang miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na sinasabing pumigil o nang-hostage sa ilang ministro gaya ni Isaias Samson Jr.
Unang lumabas sa balita na siyam na INC ministers ang dinukot at mismong nanay at kapatid ni Ka Eduardo Manalo, executive minister ng INC, ang nagsabing nasa panganib ang kanilang buhay.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, bahagi na ito sa aalamin ng mga imbestigador sang-ayon sa atas ni Justice Sec. Leila de Lima.
Ayon kay Valte, hindi nakikialam ang gobyerno sa internal affairs ng INC ngunit obligasyon nitong tumugon sa posibleng krimeng nagawa.
Sa ngayon, mas mabuting hintayin na lamang daw ang resulta ng imbestigasyon at ang mahalaga ay walang masaktan sa sinasabing mga dinukot.
Anomalya sa kapatiran kinompirma Ex-official ng INC sa Amerika kumanta na
NAGSALITA kontra Iglesia ni Cristo (INC) ang isang pinatalsik na opisyal ng kapatiran sa Amerika.
Kuwento ni Gino Maningas, dating district officer ng INC sa Concorde, California, malapit ang ina niya sa yumaong founder ng INC na si Eraño Manalo at buong pamilya niya ang nagsisilbi nilang choir members sa INC.
Ngunit hindi niya kinaya ang hindi magandang pamamalakad sa kapatiran lalo’t na-harass aniya siya dahil sa pagiging kritikal niya.
Sabi niya, Hunyo 2015 nang tatlo’t kalahating oras siyang pinagtatanong ng matataas na opisyal ng Iglesia para aminin ang mga kritikal niyang komento laban sa kapatiran.
Ginamit pa aniya bilang ebidensya laban sa kanya ang ilang private online messages na una’y inakala lang niya na na-hack.
Bukod dito, pilit din siyang pinapipirma sa isang waiver na hindi niya nilagdaan dahil hindi niya maunawaan sa sobrang takot.
Ilan sa inirereklamo ni Maningas ang sinasabing marangyang pamumuhay ng ilang mga ministro samantalang wala pang simbahan ang ilang komunidad kahit may mga donasyon na ang mga miyembro.
“Witnessing this corruption, the funds are being used somewhere else,” banggit niya.
Kasama rin aniya sa pinagkagastusan ng INC sa Amerika ang lupain sa South Dakota na bagama’t mukhang “ghost town” ay binili pa rin sa halagang halos US $800,000 o higit sa P30 milyon.
Pinaniniwalaang binili ito dahil sa likas na yaman nito partikular na ang langis.
Kasabay nito ang pagkalat sa Internet ng mensahe ng isa pang miyembro ng INC sa California na sinasabing nalimutan na ng ilan sa INC ang pagiging spiritual leaders.
Ayon sa mensahe, astang gangster na sila.
Nanawagan ang hindi pa kilalang miyembro na lumantad ang iba pa para pigilan ang mga sinasabing anomalya sa INC sa Filipinas.
101st anniv ng INC tuloy sa Lunes
TULOY ang isasagawang mga programa sa pagdiriwang ng ika-101 taon ng Iglesia ni Cristo sa Lunes, Hunyo 27.
Ayon kay Enrile Teodoro, operations manager ng Maligaya Development Corp., ang kompanya na namamahala sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, walang pagbabago sa pagdiriwang at inaasahan pa rin ang pagdating nang tinatayang nasa 80,000 hanggang 100,000 miyembro.
Nakahanda aniya ang mga pulis at magtatalaga sila sa lugar upang umasiste at matiyak ang pagpapanatili ng kapayapaan.
Ayon pa sa ilang opisyal ng INC, hindi magiging sagabal ang nangyaring sigalot ngayon sa pamunuan ng INC sa kanilang magaganap na selebrasyon.
Krisis sa INC ipinagdarasal ng CBCP
NANAWAGAN ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa lahat ng mga Katoliko na ipagdasal din na malampasan ang kinakaharap na krisis ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Ayon kay CBCP president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, sana ay matapos na ang ano mang kaguluhan o krisis sa loob ng INC.
Aniya, bagama’t magkaiba ang relihiyon, iisa ang Diyos na pinaniniwalaan ng Simbahang Katolika at INC.
Inirerespeto rin ni Villegas ang ano mang desisyon ng INC sa pagtiwalag sa kanilang mga kasamahan.
Nanawagan din siya sa pulisya na tiyakin ang kaligtasan ng mga nasasangkot upang huwag nang lumala ang sigalot.