Krisis sa pamunuan ng INC dapat resolbahin agad
Jerry Yap
July 25, 2015
Opinion
NALUNGKOT tayo nang pumutok ang istorya tungkol sa pagkakatiwalag sa Iglesia ni Cristo (INC) ng ina ni Ka Eddie Boy Manalo na si Ka Tenny, sa kapatid niyang sina Ka Angel, Ka Arman, Ka Carlo, Ka Lolly at iba pang opisyal ng sekta.
Lumutang na rin ang Ministro na si Isaias Samson para patunayan ang sinasabi ng mag-inang Ka Tenny at Ka Angel na mayroong panggigipit sa hanay ng mga nagsisiwalat ng katiwalian sa loob ng Iglesia.
Sinisi rin ni Ka Angel ang mga tinawag niyang madidikit na tagapayo ni Ka Eddie Boy.
Sila raw ang mga nagdikta para magpatayo ng isang tila “white elephant” na Philippine Arena ang INC imbes malalaking Kapilya para sa kanilang kasapian.
Nanawagan na rin si Ka Angel, na samahan silang mag-vigil ng mga miyembro na kinokondena ang katiwalian sa loob ng INC.
Ganoon pa man, mabilis na naglinaw ang Punong Evangelista ng INC na si Ka Bienvenido Santiago na walang katotohanan ang sinasabing abduction sa mga Ministro.
Ganoon din ang paliwanag ni Edwil Zabala ang tagapagsalita ng INC.
Anyway, kahit hindi po tayo miyembro ng INC marami po tayong mga kaibigan mula sa nasabing sekta, kaya nalulungkot tayo sa nangyayari sa kanila ngayon.
Sila ang mga kaibigang nakitaan natin ng mahigpit na disiplina sa pagpapalaki ng mga anak.
Sila na namumuhay nang simple lang at gumagawa nang ayon sa turo sa kanila ng INC.
Nanalangin at umaasa tayo na mareresolba nang maayos ang krisis na ito sa INC.
Pero sabi ng maraming miyembro na nakakausap natin, nanghihina-yang sila kung magkakaroon ng lamat ang kanilang Simbahan dahil lamang sa isyu ng PERA.
Sabi nga, the love of money is the root of all evils.
Matindi na rin daw ang pangangailangan na mai-LIFESTYLE CHECK ang ibang ministro at tauhan nila sa loob ng INC.
Sino kaya ang magsasagawa ng nasabing lifestyle check na ‘yan?!
Higit sa lahat, bakit hindi natin naririnig an nagsasalita si Punong Ministro Eduardo “Eddie Boy” Manalo?!
Kailangan na niyang magsalita para sa ikapapayapa ng buong INC.
Amado Bagatsing bakit kumalas kay Erap?
MATAPOS ‘bonggang’ ideklara ni Manila 5th district Rep. Amado Bagatsing na siya ay tatakbong alkalde ng Maynila katiket si Konsehal Ali Atienza, pumutok rin ang iba’t ibang espekulas-yon sa politika ng Maynila.
Si Amado ay anak ng dating mayor na si Ramon at si Ali ay anak din ng dating alkalde na si Lito Atienza.
Pareho rin talunan nang minsan silang tumakbong alkalde ng Maynila.
At ngayon ay nagsanib-puwersa ang dalawa upang maghahatid umano ng pang-uuto ‘este pagbabago sa Maynila.
Sabi pa ni Ka Amado, “Enough is enough!”
Naalala ko tuloy noong 2012, nang tayo’y maimbitahan ni Hatsing ‘este Bagatsing na magkape ay nasabi niya na kahit kaibigan niya si Mayor Fred Lim, ang susuportahan niya ay si Erap kapag tumakbong Mayor sa Maynila.
Ang Manila District 5 nga ang nagbigay ng malaking boto kay Erap.
Kaya marami ang nagulat nang biglang bumitaw siya kay Erap ngayon at binanatan pa ang nasabing administrasyon.
Anyare!?
Ilang grupo naman ang nakikita na ang pag-dedeklara ni Amado ay hudyat daw na si Erap ay tatakbong presidente sa 2016 elections.
Aba ‘e labo-labo nang talaga sa presidential race kung totoo ‘yan!
Talagang kaabang-abang na ang eleksiyon sa 2016!
Vendors sa bangketa tricycle sa kalsada traffic obstruction sa Cruz, Guiguinto, Bulacan
GANDANG umaga Ka Jerry baka pwedeng bulabugin ‘yung mga nagtitinda rito sa Cruz, Guiguinto, Bulacan ‘yung mga tindera ng isda at gulay doon na nakapuwesto sa daanan ng tao kaya ‘yung mga tao sa kalsada na naglalakad pati ‘yung mga traysikel sa magkabilang gilid nakaparada kaya napakatrapik mula umaga at hapon, baka po pwede aksiyonan ng mga lider ng munisipyo ng Guiguinto. ‘Wag n’yo po i-publish ang number ko, salamat po.
#+6392222 – – – –
Panawagan kay Mrs. Marife Flores Dizon
GOOD pm po Sir Jerry pakiimbestiga o turuan nman po ng leksiyon itong guro na si Mrs. Marife Flores Dizon ng Grade V Section 1 Elementary School ng Brgy. Natividad, Guagua, Pampanga? Aba’y adik po ‘ata itong guro na ‘to, bakit po araw2 minumura nya mga estudyante nya natatakot po tuloy mga bata baka po anong gawin nya kapag nagkamali ang mga bata at minumura nya? Pati po sa paggamit ng banyo ng mga estudyante nya ay ayaw nya, gusto nya xa lang ggamit ng banyo? Kaya po ung mga bata tinitiis na ndi mag banyo khit ihing-ihi na. Minsan po my bata na gusto nang magbawas ay pinauwe nya sa bahay nila ung bata at doon pa nag bawas. Ang banyo po sa school ay priority po sa mga estudyante, bakit po gusto nya solo nya ung banyo? Kahit po my baon na pagkain ang mga bata ay sapilitan po pinabibili mga estudyante nya sa mga paninda nya. Kapag po wala pambili ung bata ay minumura nya ndi daw po pwede bumili sa iba, sa kanya lang daw. Aba baka po ung benta nya para my pambili xa ng droga. Ugaling adik po to sir Jerry baka po pagdating ng araw e lasunin nya pa mga bata pag malakas ang tama nya. Sinumbong n po sa principal pero kinampihan pa xia at nagalit p ang principal sa mga estudyante nya? Aba’y adik din po at yung tulungan nyo po sna cla sir Jerry, isa rin po aq sa mga magulang ng estudyante nla. Salamat poh and God bless poh.
#+63932534 – – – –
KAY Mrs. Dizon, bukas po ang kolum na ito para ipaliwanag ang inyong panig.
Ibang channel lumabo sa TV Plus
SIR JERRY pkitanong naman n jan abs cbn bkit malabo ung chanel 5, 7 alam naman natin ‘yan mga chanel pinapanood sa Philippines kc bumili kmi TV plus ng abs cbn #+63923608 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com