PINANGANGAMBAHAN ng mga residente ng Pasay City na posibleng umabot na ang sinasabing kumakalat na pekeng bigas sa kanilang lungsod, makaraan 20 katao ang nakaranas ng pananakit ng tiyan at pagdumi makaraan kumain ng sinaing na bigas na binili sa isang tindahan kamakalawa ng tanghali.
Nagtungo kahapon sa himpilan ng Pasay City Police ang dalawa sa 20 katao na kinilalang sina Mark Cruz, 35, at Ron Justiniano, 23, overseas Filipino workers (OFWs), ng A. Ibarra St., Brgy. Palanan, Makati City, sanhi ng pagsakit ng tiyan at pagdumi makaraan kumain ng kanin mula sa biniling bigas sa isang tindahan sa Pasay Public Market sa Taft Avenue .
Sinabi ni Justiniano sa pulisya, tatlong ulit nilang kinain ang sinaing na bigas na sobrang lagkit at parang plastic ang hitsura.
“Apat na beses at humigit kumulang sa dalawang kilo kada luto mula kamakalawa ng umaga hanggang hapunan namin at sa bandang huli ay nakaramdam na po kami ng pananakit ng tiyan at pagdumi,” pahayag pa ni Justiniano sa pulisya.
Sa isinagawang pagsusuri ni National Food Authority (NFA) Chief Quality Assurance Arlene Tanseco, sa ipinadalang sample ng bigas ng Pasay City Police, lumalabas na tunay na bigas ang nabili ng mga biktima at hindi ito peke.
Ayon kay Tanseco, posibleng kontaminado lamang ang nabiling bigas at sa loob ng isang buwan na pag-iinspeksyon, wala pa silang nakikitang pekeng bigas sa bansa.
Dapat aniya, idaan sa laboratory examination ang nilutong kanin at ang bigas na binili para malaman ang dahilan ng pananakit ng tiyan at pagdumi ng mga biktima.
Jaja Garcia