Erap: Si Mar kwalipikado Chiz ambisyoso
hataw tabloid
July 23, 2015
News
SERYOSO ang naging sagot ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada nang diretsahang tanungin sa isang interbyu tungkol sa halalan sa 2016.
Isinantabi muna ni Erap ang politika sandali at umaming malaki ang paghanga niya kay DILG Secretary Mar Roxas, na naging miyembro ng kanyang Gabinete nang siya ay pangulo pa.
“Sec. Mar Roxas is a very intelligent person. I had the chance to be with him when I was president. I asked him to be a member of my Cabinet and he performed so well,” sabi ni Erap.
Matatandaang naging kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) ni Erap si Roxas. Dito na umusbong ang industriya ng Business Process Outsourcing (BPO) o mga call center dahil sa mga hakbang at programa ni Roxas, na ngayon ay mahigit isang milyong katao na ang empleyado.
Naungusan na ng Filipinas ang India bilang numero uno sa voice services sa BPO industry kaya’t kabi-kabila ang mga call center ‘di lamang sa Maynila kundi sa iba’t ibang siyudad sa bansa.
Umamin din si Estrada na si Roxas ang pinakakwalipikado sa lahat ng pangalang lumulutang para sa halalang pangpanguluhan sa Mayo. “Intelligence and capability, he’s the most qualified as president,” hayag nito.
Nang tanungin naman si Erap tungkol sa ibang mga pangalan na sinasabing nagbabalak tumakbo sa 2016 katulad nina Senador Francis “Chiz” Escudero at Senadora Grace Poe, hindi naging maramot ang sagot ni Erap: “I wanted him to be my running mate in 2010 but he refused.”
Kinompirma rin ni Erap na matagal nang pinupuntirya ni Escudero ang maupo sa Malakanyang. “I told him it was my last hurrah, and I wanted him to be my running mate. Sabi niya, president or nothing lang,” kuwento niya.
Naniniwala si Erap na ginagamit lamang ni Escudero si Poe dahil gusto pa rin tumakbong pangulo.
“Well, I believe so. He is really craving to be president and there is nothing wrong with that,” sagot niya.
Tinawag rin ni Erap na “So-so” ang kanyang relasyon kay Escudero matapos tumanggi ang huli na tumakbong bise presidente.
Noong 2009 ay umalis si Escudero sa partidong Nationalist People’s Coalition (NPC) pagkatapos ng pagtanggi ng partido na suportahan ang ambisyon niyang tumakbong pangulo, na kinompirma rin ni Erap. “He backed out because he was not fully supported by the NPC,” diin ni Erap.