DALAWANG dating kongresista ang bagong kinasuhan ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan.
Kinilala ni Ombudsman spokesman Asryman Rafanan ang mga kinasuhan na sina dating Navotas Rep. Alvin Sandoval, at dating Bukidnon Rep. Federico Pancrudo.
Sa nilagdaang rekomendasyon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, patong-patong na kasong katiwalian ang ipinasasampa laban sa dalawang mambabatas.
Nag-ugat ang reklamo sa maling paggamit ng pork barrel ng mga mula 2007 hanggang 2009.
Sinasabing si Sandoval ay nag-endoso ng tatlong NGOs para makakuha ng kanyang P30 million PDAF para sa nasabing mga taon.
Habang si Pancrudo ay naglaan ng P8.2 million PDAF sa bogus NGOs.
Sinasabing idinaan ang pondo sa Technology Resource Center (TRC) at National Agri-Business Corporation (NABCOR).
Bukod sa mga dating kongresista, damay rin sa kaso ang mga naging tulay para sa paglalabas ng nabanggit na pondo.