Mala-piratang pagkilos ng China sa West Philippine Sea, itigil na!
hataw tabloid
July 22, 2015
News
KOmbinsido si dating Department of the Interior and Local Government Secretary Rafael M. Alunan III na makasasama sa tunay na layunin ng China para magpatuloy ang kanilang kaunlaran kung paiigtingin pa ang agresibong pagkamkam sa ating mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Alunan, Lead Convenor ng West Philippine Sea Coalition, mababalewala ang lahat ng nakamit na kaunlaran ng mga Chinese kung magpapatuloy sila sa pambu-bully sa ating bansa.
“Dapat lamang lumingon ang China at balikan ang kanilang mapayapang paraan ng pag-unlad. Pero masyadong naghahanap ang China ng kaguluhan sanhi ng kanilang agresibong pagkilos sa West Philippine Sea at nakasasama pa ito para sa pangdaigdigang kapayapaan,” paliwanag ni Alunan na nangunguna sa pagtutol sa maling pagkilos ng China sa karagatang higit na malapit sa Filipinas.
Iginiit ni Alunan na mataas pa rin ang kanyang pagtitiwala na wala tayong nilabag na anumang alituntunin, bagkus naniniwala pa rin ang ating bansa sa mapayapang pakikipag-usap at pagsasampa ng petisyon sa International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS).
“Wala naman akong bahid ng pagdududa na napanatili nating mga Filipino ang mataas na moralidad hinggil sa aksiyon ng China. Ngunit kung hindi tutugon ang China sa paborableng desisyon ng ITLOS para sa kaso ng Filipinas, nasa likuran naman natin ang pagsuporta ng daigdig,” buong tatag na sinabi ng dating DILG secretary.
Ipinahayag din ni Alunan ang kaniyang pagsuporta sa pagkilos ng pamahalaan para sa ITLOS at hiniling na tigilan na ng China ang mala-pirata nitong aksiyon sa South China Sea.
Gayonman, iginiit din niyang dapat bilisan ng pamahalaan ang pagpapalakas sa puwersa ng militar sa pag-dedepensa ng ating nasasakupan nang walang suliranin.
Kaugnay nito, pangungunahan ni Alunan ang 3rd Annual Global Day of Protest against China sa Sabado (Hulyo 25) sa tapat ng Aristocrat Restaurant sa Roxas Blvd., sa Maynila.
Kasama sa pagkilos ang Violence Against Crime and Corruption (VACC), Rebolusyonaryong Alyansang Makabayan (RAM), Anti Drugs Advocate, Guardians, Motorcycle Phils Federation, United Defense Manufacturing Corp, Progun, Pinoy Predator Riders at SmxPhils.