Fishing ban ng Malacañang tinuligsa (Mangingisda pumalag)
hataw tabloid
July 22, 2015
News
MARIING tinuligsa at pinalagan ng samahan ng mga mangingisda ang balak ng pamahalaan ng ipagbawal ang commercial fishing sa karagatan ng Manila Bay simula sa darating na buwan ng Setyembre sa isinagawang ulat balitaan kahapon ng umaga sa Navotas City.
“Ang balakin ng gobyernong ito ay hindi makatao sapagkat libo-libong mamamayan na naghahanapbuhay sa Manila Bay bilang mangingisda ay mawawalan ng hanapbuhay,” ayon kay Dr. Mario G. Pascual, pangulo ng Market 3, 4 &5 Fish traders Association.
Aniya, bukod dito tiyak din na hindi lamang ang mga mangingisda ang apektado kundi pati na rin ang mga ordinaryong manininda, kargador sa palengke at pondohan, mga may-ari ng consignacion at mga empleyado pati na rin ang mga naglalako, ganoon din ang mga mamamayang namimili ng isdang inihahain sa kanilang hapag-kainan.
Ang R.A.10654, Fisheries Code of the Philippines ay tila umano naka-pattern sa Fisheries laws ng western countries na malaki ang pagkakaiba ng pamumuhay ng mga mangingisda dahil suportado sila ng kanilang pamahalaan sa pamamagitan ng social benefits lalo na sa Europe.
“Dito sa atin sa Filipinas, walang social benefits ang mga mangingisda, tapos bawal mangisda sa West Philippine Sea sabi ng mga Chinese, tapos bawal na rin ang mangisda sa Manila Bay?” saad ni Pascual.
“Dapat daw ay pamansing o pangawil lamang ang gagamiting uri ng panghuli ng isda, bawal daw ang mga bangkang gumagamit ng makinang panghuli (Active Gear) ng mga isda na hindi naman makabubuhay ng pamilyang umaasa sa industriyang ito,” dagdag ni Pascual.
Kaakibat umano ng batas na ito na papatay sa fishing industry sa buong Filipinas ang mataas na penalty sa violation ng permits at lisensiya ng fishing boats na aabot sa daang libo hanggang P5 milyon at P20 milyon na mariin nilang kinokondena kasunod ang mariin nilang pagtanggi na sinisira nila ang kalikasan.
Kaugnay ng pagtutol, maglulunsad ng isang malakihang martsa/protesta ang mga grupo ng mangingisda mula Bataan, Navotas, Manila, Parañaque at Las Piñas patungong Malacañang sa Huwebes (Hulyo 23) na tinawag nilang Fish Holiday na ang ibig sabihin ay mawawalan ng mahigit sa limampung (50) libong kilo ng isda ang hindi makararating sa mga palengke at mga tahanan.
Rommel Sales