KAPARTNER na ng malamig na panahon ang paghigop ng mainit na sabaw at iba pang maiinit na pagkain. Samahan ninyo ang programang Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh (GRR TNT) ngayong Sabado ng umaga sa paghahanap ng mga kainang tiyak na babalik-balikan para sa isang masarap na chibugan kung tag-ulan.
Kapag malakas ang ula’y nakaaasar kung magmumukmok ka lang sa bahay. May isang grupo na kung tawagi’yGalaang In Na In na maaari ninyong sapian. Mga magulang, kapatid, kaibigan, at tsikiting ay ka-join dito. Enjoy to the max sila kahit basang-basa sa ulan.
Kung masarap magpa-ulan at magtampisaw sa baha’y dapat ninyong malaman ang babala ng mga doktor. ‘Pag nababad ng maruming tubig ang mga paa, binti at hita ay may panganib na magkaroon kayo ng sakit sa balat tulad ng alipunga, leptospirosis, kulugo, buni, atbp..
May interbyu si Mader Ricky Reyes sa isang skin specialist na maghahatol ng mga gamot na panlunas sa mga ito na ang hatid ay kati na nakabubuwisit.
Kung mabasa ng ula’y tiyak na ubo, sipon, at lagnat ang katapat. Ibibida ni Mader kung ano-anong lunas ang makasusugpo rito.
Basta mga kuwentong napapanahon, mga isyung nakapagbibigay-aral at naghahatid ng isang oras na aliw, makipag-date kay Mader tuwing 9:00 a.m. ngayong Sabado sa GRR TNT na hatid ng GMA News TV at prodyus ng ScriptoVision.