Political rambol na sa Pasay City
Jerry Yap
July 14, 2015
Opinion
MAAGANG nagdeklara ang mga politiko sa Pasay City.
Marami ang dating nakatiket at kapartido sa Liberal Party ng kasalukuyang Pasay City Mayor Tony Calixto ang sinabing puma-kabilang bakod at nagdeklara ng suporta kay dating congressman, Dr. Lito Roxas.
Kung hindi tayo nagkakamali, unang-una nang pumakabilang-bakod mula sa Liberal Party sina Konsehal Richard at Ed Advincula, Jenny Roxas, Moti Arceo at Lex Ibay.
Nanatili si Vice Mayor Marlon Pesebre sa partidong kulay Violet gayondin ang mga konsehal na sina Grace Santos, Allan Panaligan at Bong Tolentino.
Itinaas pa ng negosyanteng si Joey Dy, asawa ni dating congresswoman Connie Dy, ang kamay ni Dr. Lito Roxas bilang pagpapahayag ng suporta.
Kilala naman natin manindigan si Madam Connie Dy, pero ang masasabi lang natin madugo at magastos kapag tinapatan ang isang incumbent gaya ni Mayor Tony Calixto.
Sa isang banda, kung tila nagpapahayag na ng suporta kay Roxas si VM Pesebre, mukhang lumalaki raw ang pag-asa ni Boyet del Rosario para makatiket kay Mayor Calixto bilang Vice Mayor.
By the way, ano ba ang standing ni Boyet del Rosario sa pagka-bise alkalde? Malakas daw…malakas ang putok pero walang ingay!?
Sa partido ni Mayor Calixto, wala pa tayong naririnig… tahimik na tahimik lang sila.
Anyway, ang masasabi lang natin, may the best man win.
Good luck na lang sa inyo.
Chiz bantay sarado kay Grace Poe
Natatawa tayo sa mga biruang kumakalat sa mga coffee shops…
Daig pa raw ni Senator Chiz Escudero ang mister ni Senator Grace Poe sa pagbabantay umano sa kanya.
Hindi raw kasi nila maintindihan kung bakit laging kakabit ng pangalan ni Sen. Grace ang pangalan ni Sen. Chiz.
Kung si Senator Grace ang nililigawan na maging vice presidente ni SILG Mar Roxas sa 2016 elections, bakit kailangang nakasampay ‘este’ nakadikit pa si Senator Chiz?!
May kakaiba bang talent si Chiz na magpapalakas pa lalo kay Sen. Poe?
Maitanong lang natin, ano ba talaga ang naging accomplishments ni Sen. Chiz sa kongreso at siyam na taon niya sa Senado?!
May natatandaan ba kayo?!
‘E sa Sorsogon nga lang, tanungin ninyo ang mga kababayan nila kung ano ang track record ng batang Escudero?
Baka imbes pumaimbulog ‘e bumulusok ang popularidad ni Sen. Poe?!
Natatandaan lang natin na pumutok ang pangalan ni Sen. Chiz nang ligawan niya ang aktres na si Heart Evangelista, at sa huli ay nagpakasal sila maliban doon wala na tayong maaalala.
Minsan ding naging mainit ang kanyang pangalan at inililinyang VP o presidente, pero mabilis na mabilis lang ang panahon na iyon.
In a short while lang ‘yun!
Nang wala naman siyang maipakita kundi tumula-tula, ‘e naghulas din ang init at muli nga lang umingay nang maging ‘sila’ ni Heart.
Ingat-ingat lang po sa sobrang pakikipag-asosasyon sa kinakapatid mo, Sen. Grace.
Alalahanin ninyong nasa iyo ngayon ang primera fragrancia.
Kaya lahat ng mababantot tiyak na didikit sa iyo.
At ‘yan ang dapat mong iwasan Madame Grace!
Bastos na tabloid nagkalat na?!
KA JERRY, bakit ho nagkalat na nman sa mga bangketa ang mga bastos na diyaryo. Sagad ho ang mga hubad na larawan ng babae at lalaki. Hndi ba hinuhuli noon ‘yan? +63918202 – – – –
Housing project ng gobyerno sub-standard?
SIR, mananawagan po kami sa gobyerno na sana’y huwag mangyari sa amin ang naganap na pagguho ng housing project sa City of San Jose del Monte sa Bulacan. Pansin po kasi namin, itong mga raw house ng gobyerno walang katibay-tibay. Imbes mabuhay kami rito, parang mamatay kami kapag naguhuan kami. NHA man o local government housing project huwag ninyong salaulain ang pondong ginamit diyan. Ganyan ba kalaki ang pondo ng gobyerno para ibaon kaming mga dukha sa ilalim ng lupa? +630923668 – – – –
Epal tarpaulin nagkalat na
HINDI na naman mapakali ang mga politiko. Ang dami na naman po naming nakikitang epal tarpaulin. Ultimo pag-utot lang ng mga politiko naka-tarpaulin na. Mga kaplmuks talaga! +63975302 – – – –
Kalidad ng edukasyon hindi sa dami ng taon
SI LUISTRO daw ay makadukha. Kaya raw niya itinutulak ang K-12 program para sa mahihirap nating mga kababayan. Kalokohan ‘yan! Wala sa haba ng panahon ang kalidad ng edukasyon. Dinagdagan nga ninyo ng taon ang eskwela ng mga bata, e a totoo lang bukod sa dami ng bagyo, sandamakmak din ang holiday kaya laging walang pasok sa eskwela. Kaya hindi sa dami ng taon na ilalagi sa eskwela ng mga bata nakasalalay ang kalidad ng edukasyon. +63917443 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com