Anti Cyber-Porno Act dagdagan ng pangil
Jerry Yap
July 12, 2015
Opinion
KAKAIBA sa mga nakaraang reaksiyon sa viral sex video sa social media na tila hayok na hayok panoorin ng iilan, nagalit ang majority ng netizens sa mga nag-share ng pinaniniwalaang spliced sex video na inilagay ang mukha ng isang batang aktres.
Hindi na po natin babanggitin ang pangalan ng batang aktres para sa kanyang full protection.
Marami ang nagtataka, ultimo ang kompanyang kinabibilangan ng batang aktres ay hindi agad nakapagbigay ng pahayag kaugnay ng sinasabing viral sex video.
Mabuti na lamang at nanaig sa netizens ang kakayahang kumilala ng tama at mali lalo na’t kinasasangkutanng ng isang 12-anyos na batang aktres.
Ultimo ang mga kapwa artista ay naglunsad din ng kampanya na 1 share = 1 respect.
Sa pangyayaring ito, isa lang ang nakikita nating solusyon para matakot ang sino mang gumagawa ng ganitong klaseng kalaswaan — patalasin ang pangil ng anti-cyber porno act.
Malinaw sa umiiral na batas ang mabibigat na parusa sa paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Pero hindi natin alam kung naiintindihan ba ito ng mahihilig mang-abuso ng mga menor de edad sa social media.
Kaya kung hindi nila ito naiintindihan at hindi kinatatakutan dahil hindi nasasaad na maaari silang makulong o ibitay bilang kaparusahan, ano ang dapat gawin ng kasalukuyang administrasyon ng Maynila at ng pulisya?!
Panahon na siguro para patawan ng ‘bitay’ ang mga taong nagkakamal sa murang katawan at kaisipan ng mga kabataan nating menor de edad, sa virtual o realidad man ‘yan.
Ang sex video na itinatampok ang isang batang aktres nitong mga nagdaang araw ay hindi malayong maulit pa sa ibang kabataan. Nagkataon lang na sikat ang batang aktres kung kaya’t naging maingay at pinag-usapan.
Pero sana ay manatili ang pagkakaisa ng majority ng netizens na kapag menor de edad ang nasasangkot ay proteksiyonan natin.
Sana rin ay kumilos ang network ng nasabing batang aktres upang agad mahuli kung sino man ang may kagagawan niyan.
Pero higit sa lahat, dapat pagtulungan ng mga magulang at ng pamunuan ng network na kinabibilangan ng batang aktres na siya ay maiproseso hanggang makaalpas sa isang masamang karanasan.
Muli nais nating batiin ang netizens na ginawa ang lahat para proteksiyonan ang batang aktres.
Mabuhay po kayo!
Gasgas na press release ng BI
GASGAS na gasgas na ang istorya na palaging ipinagmamalaki ng Bureau of Immigration sa NAIA na sinasabing “BI Foils Human Trafficking Attempt at the Airport.”
Kung tutuusin ay mababang bilang lamang ang deklarado ng mga sinasabing ‘sikat’ na nakaharang na kasapi ng BI-NAIA ngunit ang kabuuang bilang ng nagtangkang ‘pumuslit’ batay sa impormasyong nakalap mula sa mga recruiters ay tinatayang nasa libong katao.
Batay sa reliable source mula sa intelligence network ng Inter-Agency Task Force, ang mga namumuno umano ngayon sa tatlong terminal ng Immigration NAIA ay ‘familiar faces’ sa mga illegal recruiter at may mga nauna nang transaksiyon na isinakatuparan bago pa man manungkulan.
Aniya, hindi mapapasubalian ang pinagmulan ng ulat, kung naghihigpit man nang ‘tatlong beses’ ang mga tauhan ng BI NAIA at anti-human trafficking authorities, ginagawang ‘apat na beses’ naman ang alok ng ‘consideration amount’ sa mga awtoridad mailusot lamang ang kanilang ‘protegee’ palabas ng bansa.
Kadalasan ngayong via Hong Kong, Singapore at Macau ang ginagawang “jump-off point” ng mga ipinupuslit na Filipino tourist workers at pagdating sa point of destination ay ‘tatalon’ patungong Middle East.
Meron kayang Immigration officer (IO) ngayon na hindi ‘nasisilaw’ sa kinang ng pera?
Kahit sabihin mo pang limang beses ang ipinatutupad na paghihigpit ng mga awtoridad kung anim o pitong beses naman ang alok na halaga bilang ‘talent fee’ sa ‘immigration insider’ sa palagay kaya natin ay ‘di mag-iisip na tanggapin ng isang IO?
Lalo kung walang mga oportunidad na makuha ang mga kapos-palad nating mga kababayan, partikular na ang mga naninirahan sa kanayunan ay hindi titigil na makapuslit sa palabas ng bansa para makipagsapalaran.
May info pa tayo na, nagkakairingan pa ang ilang IO dahil sa sulutan ng daraanang counter ng Pinoy tourist worker!?
Anong masasabi mo Atty. Floro Balato?
Mga kawani ng GOCCs at GFIs nagsusumamo kay Pnoy
Ang Alyansa ng mga kawani ng GOCCS ay umaapela kay PNoy.
Ayon sa Kapisanan ng mga Manggagawa sa GOCCs at GFIs na may 27 union na umaabot sa 120,000 miyembro sa buong bansa, nais nilang ipatupad na ang Compensation and Position Classification System (CPSC).
Matatandaan na isinuspinde ng Malakanyang ang implementasyon ng pagtataas ng sahod at benepisyo ng mga kawani ng mga nasa Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at Government Financial Institutions (GFIs) sa pamamagitan ng Executive Order No. 7 noong Setyembre 2013.
Kasunod nito ay nagpasa ng Republic Act 10149 ang Kongreso na binuo ang Governance Commission for GOCCs (GCC) upang matigil ang korupsiyon sa GOCCs at GFIs.
Pumasok pa ang gobyerno sa isang kontrata sa Towers Watson sa halagang US$250,000, para magsagawa ng pag-aaral at rekomendasyon para sa panibagong compensation structure sa lahat ng mga kawani ng GOCC at GFIs.
Mahinahong naghintay ang mga empleyado ng mga GOCCs at GFIs na ipatupad ang CPSC.
Pero ‘nganga’ pa rin sila at hindi na nakatiis at nangawit na sa pagkainip dahil halagang P3,000 na lamang ang netong naiuuwi sa kanilang mga sahod.
Samantala, ang allowances, honoraria at per diems ng mga Commissioner at mga Board Member ay tinugunan ng Palacio de Malacañan.
Tila raw iba ang tinititigan sa tinitingnan?
Kaya naman nagsusumamo ngayon ang abang mga kawani na nasa GOCCs at GFIs kay Pnoy na ipatupad na ang Compensation and Position Classification System (CPSC).
At kung pwede ay ngayon na bago matapos ang daang matuwid!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com