Binay ‘nagwawala’ na
hataw tabloid
July 4, 2015
Opinion
SA tingin ng marami ay ‘nagwawala’ na raw si Vice Pres. Jejomar Binay sa mga pinaggagagawa niya matapos tumiwalag at mag-resign sa Gabinete ni Pres. Noynoy Aquino.
Sa paglulunsad ng political party niyang Uni-ted Nationalist Alliance (UNA) noong Miyerkoles ay inilarawan niya ang gobyerno na “tamad, usad-pagong at teka-teka.” Paulit-ulit din niyang tinawag itong “palpak at manhid.”
Mantakin ninyong ayaw niyang tantanan ang pagbanat sa administrasyong Aquino sa kabila ng katotohanang para siyang maamong pusa sa limang taon na bahagi siya ng Gabinete, na hindi nagmungkahi kung paano mapagbubuti ang gob-yerno sa sinasabing kapalpakan nito.
Bago sana siya bumanat ay alisin niya muna ang pagduruda ng mamamayan sa kanyang kalinisan bilang opisyal, nang lumutang sa mga pagdinig ng Senado na “overpriced” umano ang pagpapatayo ng Makati City Hall Parking Building at Makati Science High School. Lumalabas tuloy na iniiwasan ni Binay ang mga isyu dahil hindi niya kayang pasinungalingan.
Maging sina Gerardo “Gerry” Limlingan at Eduviges “Ebeng” Baloloy na sinasabing “bagman” at “dummy” umano ni Binay ay hindi matagpuan. Sino ang maniniwala na hindi alam ni Binay kung nasaan ang dalawa na matagal na panahon na niyang kaibigan at aide?
Bukod sa pagwawala ni Binay sa walang humpay na pag-upak sa gobyerno ay nawalan din siya ng respeto sa pulisya nang komprontahin at kutyain niya si Southern Police District (SPD) Deputy Director Sr. Supt. Elmer Jamias.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), kakasuhan nila si Binay at ang bodyguards niya dahil sa ginawang pananakit sa mga pulis na itinalaga sa Makati City Hall noong Lunes, para panatiliin ang kaayusan at kapayapaan sa lugar. Dumagsa ang mga loyalista ni Mayor Junjun Binay para suportahan ang paglaban niya sa suspension order ng Ombudsman, at noong Martes ay pinagbabato pa nila ng silya ang mga pulis na magse-serve ng suspension order.
Pati si Sen. Grace Poe na lumamang kay Binay sa mga presidential surveys kamakailan ay pinasaringan nang sabihin ng VP na ang mga tao sa kanyang partido ay may mga karanasan, at hindi mga baguhan na nag-aaral pa lang kung paano mamuno at maging lingkod-bayan.
Dahil hindi dumalo si dating Pangulo at kasalukuyang Mayor Joseph “Erap” Estrada sa paglulunsad ng UNA, may mga nagtatanong kung nabuwisit si Erap kay Binay at iniwan na siya.
Pero sa totoo lang, mga mare at pare ko, nakatanggap tayo ng mga puna sa ating mga mambabasa na ang malawak na karanasan ni Binay ang ikinababahala umano nila. Baka ang mga isyu na pinagkakitaan daw nito nang husto ang puwesto noong alkalde siya ng Makati ay maulit at pagkukuwartahan naman ang buong bansa kapag naging pangulo sa 2016.
Manmanan!
***
PUNA: “Takot mawala sa poder ang mga Binay dahil alam nila na sa dami ng nabuking na katiwalian nila na hindi maipaliwanag sa loob ng 20 yrs panunungkulan nila sa Makati ay may kalalagyan sila. Dapat kapag napatunayan ay bitayin ang mga mandarambong sa bayan!”
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.