May nagbebenta ng illegal drugs sa loob mismo ng ‘Gapo City Hall?
hataw tabloid
July 3, 2015
Opinion
NALALAGAY ngayon sa kontrobersiya at balag ng alanganin ang liderato ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino makaraang makadiskubre ng powder like substance sa loob mismo ng City Hall kamakailan.
Kinumpirma naman ng Philippine National Police Crime Laboratory na nagtataglay ng Ephedrine, klasipikadong ilegal na droga na mas kilala sa paggawa ng shabu ang nakalagay sa clear plastic packet.
Kaya kahit inilihim sa mga taga-‘Gapo, may kumalat na report ang Civil Security and Safety Unit (CSSU) kay Paulino na kinumpirma ng PNP Crime Laboratory Sub-Office na may tanggapan sa Pag-Asa Market, Olongapo City, na ang nakitang powder substance noong Abril 8,2015 sa tanggapan ng City Planning and Development Office (CPDO), base sa kanilang pagsusuri ay illegal drugs.
Putok ngayon sa buong ‘Gapo na mayroong nagaganap na katiwalian o transakiyon ng bentahan ng illegal na droga sa loob mismo ng City Hall. Tsk, tsk, tsk, kahiya-hiya talaga.
Nabatid na dakong 9:00 hanggang 10:00 ng umaga noong nakaraang Abril 8, natagpuan ang powder like substance sa tanggapan ng CPDO na nasa bisinidad ng Olongapo City Hall at bandang alas 5:20 ng hapon nang inilipat ang illegal na droga na nakalagay sa clear plastic packet sa pangangalaga ng CSSC para safekeeping at proper disposition.
Kaagad iniutos ni retired P/Senior Inspector Felipe Bolina, Chief Security Officer/Consultant, sa CSSU supervisor na dalhin sa PNP Crime Laboratory Sub-Office ang nakitang substance sa tanggapan ng CPDO upang masuri. Matapos ang anim na araw, nakumpirma itong illegal drugs kaya hinihinalang may nagaganap na illegal drug transaction sa mismong City Hall na panibagong ‘blackeye’ sa imahe ng ‘Gapo.
Nakumpirma ding matapos madiskubre ang illegal drugs na hindi matiyak kung gaano ang timbang, isang nagngangalang Boy Hezeta na kawani ng CPDO ang nagtanong kay CSSU Officer Ferdinand Supnet kung nasaan ang nasabing illegal substance sa pagbabasakaling mabawi ang droga.
Marami tuloy ang naghinala na ang nasabing CPDO employee ang may kinalaman kung bakit nakapasok sa loob ng City Hall ang droga na sanhi ngayon ng pagdududa sa liderato ni Paulino.
May mga tanong tuloy kung nagagamit ang City Hall sa pot session ng mga tiwaling ‘bata’ ni Paulino o doon mismo ginagawa ang drug transaction kaya hiniling ng mga mamamayan ng ‘Gapo na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa City Hall matapos ang pagkakadiskubre sa ilegal na droga.