ni James Ty III
PLANO ng Philippine Basketball Association (PBA) na baguhin ang format ng All-Star Game sa susunod na taon.
Sinabi ng tserman ng PBA board of governors na si Patrick “Pato” Gregorio ng Talk n Text na mula sa North vs South na format ng laro sa mga nakalipas na taon ay gagawing mga Fil-foreigners kontra mga Pinoy ang bagong format.
“Tingin ko magugustuhan ng PBA fans ‘yun, even the players themselves. Kasi matagal ng may rivalry sa hardcourt yung mga locals at foreign-bred players natin,” wika ni Gregorio. “Kasi pag ganun ang format (Homegrown versus Fil-foreign) mas may pride ang players. Dun makikita mo walang petiks na laro. Everybody will go harder and who will benefit from it? Our beloved fans.”
Plano rin ng PBA na ibalik ang format na PBA All-Stars kalaban ang Gilas Pilipinas ni coach Tab Baldwin, pati na rin ang pagdaraos ng one-on-one sa mga susunod na All-Star Weekend.
Sa huling All-Star Game noong Linggo sa Puerto Princesa, Palawan, tinalo ng North ang South, 166-161, sa pangunguna ng 37 puntos at 16 rebounds ni Calvin Abueva at 30 puntos naman mula kay Terrence Romeo na napiling MVP ng laro.
Bago ang laro ay nagpulong ang PBA board kung saan hinalili ng lupon ang komisyuner ng liga na si Chito Salud bilang pangulo at chief executive officer ng liga bilang bahagi ng napipintong reorganization nito.
Magsisilbi si Salud sa kanyang bagong responsibilidad pagkatapos na pumasok ang bagong komisyuner ng PBA.