ni Tracy Cabrera
MASASABING sa larangan ng mga kotse, tanging kala-lakihan ang namamayani—pero hindi ito naging dahilan kay Jerelyn Notario para mawalan ng interes sa unang nagbigay kulay sa kanyang musmos na kaisipan.
Nagpakita si Jerelyn ng interes sa mga kotse at iba’t ibang mga sasakyan noong bata pa siya. “Naging mahilig po ako sa mga kotse dahil ang mga kalaro ko at ka-age sa amin sa Parañaque ay puro mga lalaki,” aniya.
Dinala ito ni Jerelyn sa kanyang pag-aaral hanggang makapasok siya sa Technological Institute of the Philippines (TIP), na nasa fifth year siya ng mechanical engineering. Dito rin niya napag-alaman ang tungkol sa Shell Eco-Marathon, na isang aktibidad na nagbibigay ng hamon sa mga estudyante sa iba’t ibang panig ng daigdig na masubukan ang kanilang galing para makapagdisenyo at makagawa ng sasakyang hindi lamang makabago ang konsepto kundi matipid din sa paggamit ng enerhiya.
Naging curious si Jerelyn dito at nagsigasig na makasama sa ilalahok ng kanyang unibersidad.
“Nagkaroon po ako ng interes sa Shell Eco-Marathon dahil laging muntikang napanalunan ng aming eskuwelahan sa nakalipas na mga taon,” punto ng dalaga.
Noong 2011, unang lumahok ang Fi-lipinas sa eco-marathon sa Malaysia pero nang sumunod lang na taon nagwagi ng best team pirit award at second runner-up sa prototype diesel category. Nasundan pa sana ito ngunit naipagpaliban ang aktibidad noong 2013 dahil sa ‘haze’ na lumaganap sa Malaysia.
Sa gitna nito, lumahok si Jerelyn support member ng TIP Manila team noong 2013 at sa sumunod na taon ay ganap na siyang naging miyembro ng grupong ipinadala ng TIP para mapanalunan ang ika-lawang puwesto sa urban concept diesel category award. Ito ang nagsilbing ningas sa pagnanasa niya para asamin ang top honors ngayon taon.
“Sa paglahok ko, ang pangunahing layunin ko ay makaambag sa adhikain ng Shell na makalikha ng mas maliwanag na kinabukasan para sa enerhiya at smarter mobility para sa sangkatauhan,” kanyang idiniin.
At sa tulong ng kanyang propesor Engr. Nicanor Serrano at mga teammate na sina Wilfredo Tenorio, Paul Barrameda, Louie Pepito, Mark Bustos, Renan Ocampo, Paul Renjo Lee, Arzen Ann Christine Caguitla at Gildrich Pante, sinubukan nilang gawin itong realidad.
Hindi naman naging mahirap ito para sa kanila. Sa Shell Eco-Marathon ngayong taon na ginanap sa Luneta, tinalo nila ang kanilang mga katunggali na nagmula pa sa Indonesia at Brunei at gayon din ang dalawa pang team mula sa Don Bosco at Mapua.
Sa pagtatapos, ang team ni Jerelyn ang nakakopo ng Shell Helix Tribology award para sa kanilang dinisenyong sasakyang Symmetry V-3.0, na tumakbo 71 kilometro bawat isang litro ng diesel.