US role sa Oplan Exodus patunayan (Hamon ng Malacañang)
hataw tabloid
February 17, 2015
News
HINAMON ng Malacañang ang Special Action Force (SAF) officer na nagbulgar sa sinasabing pagpapasimuno ng US sa operasyon laban sa teroristang si Marwan.
Magugunitang sa nasabing operasyon, namatay ang 44 PNP-SAF troopers at namataan ang pag-rescue ng US choppers.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, mainam na maimbestigahan sa pagdinig ng Kongreso ang mga alegasyon para malinawan.
Dapat din aniyang humarap at lumantad sa mga imbestigasyon ang SAF officer o sino mang nagbibigay impormasyon sa media.
“Mainam na masiyasat sa mga pagdinig sa Kongreso ang mga alegasyon at magbigay din ng impormasyon ang mga nagpapahayag sa media,” ani Coloma.
Rose Novenario
Roxas emosyonal sa PNP annual celebration
NAGING emosyonal si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa pagdiriwang ng anibersaryo ng PNP sa Camp Bagong Diwa kahapon.
Imbes na isang martsa ang gawin ng mga pulis sa dulo ng programa, hiniling ni Roxas na manatili na lamang ang kawan at awitin ang pambansang awit alay sa 44 SAF commandos na namatay sa Mamasapano, Maguidanao.
Simbolo rin aniya ng kanta ng “recommitment” ng pulisya sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Napansin na maluha-luha ang kalihim sa pag-awit ng “Lupang Hinirang.”
Matatandaan, itinago sa kaalaman ni Roxas ang paglulunsad ng Oplan Exodus sa Mamasapano na ikinamatay ng SAF commandos noong Enero 25.
1 sa Fallen 44 may mga hiwa sa katawan
MAY mga hiwa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isa sa 44 Special Action Forces (SAF) commando na namatay sa enkwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Inihayag ni Wilfredo Tierra, hepe ng National Bureau of Investigation (NBI) Medico-Legal division, sumailalim sa reautopsy si PO2 Chum Agabon sa kahilingan na rin ng kanyang mga kaanak.
“Marami po siyang gunshot wounds, meron din siyang mga hiwa at may mga iba’t iba pang uri ng injury sa katawan… Ito po ay hiwa. Ito po ay incision,” ani Tierra sa panayam.
Gayonman, hindi binanggit kung ano ang maaaring sanhi ng mga hiwa.