TUKOY na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga naunang nag-upload sa Internet ng Mamasapano video na mapapanood ang malapitang pagbaril sa sugatan ngunit buhay pang trooper ng PNP Special Action Force (SAF).
Ayon kay NBI Cybercrime Division chief Ronald Aguto, umapela na sila ng tulong mula sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) para matunton ang mga naglagay ng video sa Internet na mahaharap sa paglabag sa Anti-Cybercrime Law.
Dagdag ni Aguto, nasimulan na rin nilang makilala ang ilang armadong lalaki na nahagip sa anim na minutong footage.
Bagama’t nabura na ang video sa YouTube, nakapag-save ng kopya ang kagawaran at nasiyasat na rin ang nasa 10,000 frames nito na napalitaw ang mukha ng apat hanggang limang armadong suspek.
Dadayo sa Maguindanao ang NBI para mangalap ng karagdagang ebidensya bago isumite ang kanilang ulat sa Department of Justice (DoJ).
PNP ANTI-CYBER CRIME GROUP PASOK DIN
BUKOD sa National Bureau of Investigation (NBI) pumasok na rin sa imbestigasyon ang PNP Anti-Cyber Crime Group kaugnay sa video ng madugong enkwentro sa Mamasapano.
Ayon kay PNP PIO chief, Chief Supt. Generoso Cerbo, automatic nilang tina-tap ang PNG-ACG sa mga video o internet access na hawak nila sa mga ginagawang imbestigasyon.
Sinabi ni Cerbo, pangunahing gustong matukoy ng PNP ay kung sino ang orihinal na kumuha ng video, at ang orihinal na social media account ng nag-upload ng video.
Iginiit ni Cerbo, hindi dapat pang ini-upload sa internet ang video bilang pagsaalang-alang sa damdamin ng pamilya ng biktima at bilang paggalang na rin sa namatay na SAF trooper.
DVDs NG MAMASAPANO VIDEO KINOMPISKA
KINOMPISKA ng mga tauhan ng NBI ang ibinebentang video compilation ng Mamasapano incident sa Brgy. Poblacion sa Iligan, Lanao del Norte.
Ibinebenta ang mga DVD sa halagang P30 hanggang P50 kada piraso.
Ayon sa mga nagtitinda, nai-download nila mula sa Internet ang mga video na laman ng DVD bago ito tanggalin online.
Nagbabala ang NBI na illegal na ibenta ang mga kopya ng video ng madugong sagupaan sa Maguindanao.