BUTUAN CITY – Bunsod ng pangamba na madamay sa malas na hatid ng “Fallen 44” ng PNP-Special Action Force (SAF) na namatay sa labanan sa Mamasapano, Maguindanao, mas pinili ng pang-44 na pares sa libreng mass civil wedding sa Butuan City, ang umatras sa seremonyas.
Ayon kay Local Civil Registrar Judith Calo, imbes kahapon sana gagawin ang mass wedding, iniatras nila ito dahil sa takot din sa maaaring hatid nang tinaguriang “Friday the 13th.”
Ngunit nang malaman nang magsing-irog sa pagpunta nila sa venue ng kasal na sila ay ika-44 pares na magpapakakasal, bigla rin silang umayaw.
Paliwanag ng dalawa na ayaw ipabanggit sa publiko ang mga pangalan, mas nanaisin nilang ipagpaliban muna ang libreng kasal kaysa madamay sa kinahinatnan ng Fallen 44 sa kanila at sa kanilang pamilya.
Sinasabing kahit anong pagkombinsi ng kanilang mga kasamahan at ng naturang tanggapan para maging bahagi sila ng “Risen 44” ay hindi rin pumayag ang dalawa at mas minabuti nilang umuwi na lang.