LAOAG CITY – Aminado si provincial jail warden Dario Estavillo na siguradong kukulangin ang conjugal rooms ng Ilocos Norte Provincial Jail (INPJ) sa mismong Valentine’s Day ngayong araw.
Ito ay dahil sa posibleng pagdayo ng mga asawa at karelasyon ng mga preso ng INPJ na bibisita sa kanila upang ipagdiwang ang Araw ng mga Puso sa loob mismo ng kulungan.
Ayon kay Estavillo, nagkataon na Sabado ang conjugal visit ng mga preso at Valentines Day kaya tiyak na marami ang gagamit ng conjugal rooms.
Sinabi ng provincial jail warden, ang INPJ ay mayroon lamang 10 conjugal rooms para sa mahigit 200 preso na halos lahat ay may asawa na at may kasintahan.
Dahil dito, iniutos ni Estavillo sa provincial jail guards na naka-duty ngayong araw na kung sino ang gagamit ng conjugal rooms sa gabi ay hindi na sila mapapahintulutan sa umaga at hapon upang magkaroon ng pagkakataon ang ibang preso.
HATAW News Team
CONJUGAL VISIT SA BILIBID OK SA VALENTINE’S DAY
PAHIHINTULUTAN ng Department of Justice (DoJ) ang conjugal privileges sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa ngayong Sabado, Araw ng mga Puso.
Ayon kay Secretary Leila De Lima, ibibigay ang “stay-in” privilege ngunit dadaan pa rin aniya sa mga umiiral na restrictions.
“Pinayagan ko ‘yung conjugal, stay-in, for Valentine’s, bukas, Feb. 14. Naiintindihan naman ‘to ng karamihan ng inmates because the situation is volatile,” sabi ni De Lima.
Matatandaan, pinagbawalan ang mga dalaw sa NBP kasunod ng pagsabog noong Enero 8 na ikinamatay ng isang preso at ikinasugat ng 19 iba pa.
Humantong ito sa protesta ng mga misis ng bilanggo dahil sa pagbabawal sa kanilang maka-dalaw sa kulungan.
(MANNY ALCALA)