Paglipat ni PH GM So sa US Chess Federation ipaliwanag (Trillanes sa PSC)
hataw tabloid
February 3, 2015
News
INIHAIN ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang Senate Resolution No. 1086, na naglalayong imbestigahan ang umano’y pagpapabaya at hindi maayos na pangangasiwa ng sports officials ng Filipinas sa kahilingan ni Grandmaster Wesley So na lumipat mula sa National Chess Federation of the Philippines (NCFP) patungo sa United States Chess Federation (USCF).
Sa privilege speech ni Trillanes sa Senado, pinuna nito na tila may pagpapabaya ang mga opisyal ng isports sa paghawak sa kaso ni GM So at sa kanyang kahilingang lumipat ng chess federation.
“Sinasabing may malaking potensyal si GM So na maging kampeon ng chess sa buong mundo. Tunay siyang maipagmamalaki ng Filipinas sa larangang ito. Ngunit nawala na ang pag-asang ito ng bansa nang tuluyang lumipat si GM So ng kanyang chess affiliation sa US noong Oktubre 2014,” ayon kay Trillanes.
Noong 2013, sa pamamagitan ng isang sulat para kay NFCP President Prospero Pichay Jr., pormal na hiniling ni So ang kanyang paglipat sa USCF. Ang desisyong ito ay sinasabing bunga ng mga kasalukuyang sitwasyon na nakaaapekto sa plano ni So para sa kanyang kinabukasan sa chess.
Ilan dito ay kakulangan ng seryosong sistema ng pagsasanay sa Filipinas at ang kahirapan sa pagpunta ng Filipinas para sa kanyang mga laban, na nakaaabala rin sa kanyang pag-aaral sa US.
Ang mga rasong ito ay pinalala pa ng nangyayaring gulo sa pagitan ng mga sports group sa bansa at hindi pagkilala ng NCFP sa tagumpay ni So sa Universiade, isang kompetisyong kinikilala ng World Chess Federation (FIDE) at ng International Olympic Committee (IOC), sa kabila ng pagkapanalo niya ng unang gintong medalya para sa Filipinas. Dagdag ni Trillanes, “sa halip na kausapin si GM So, subukang ayusin ang mga problema at hikayatin siyang patuloy na lumaban para sa bansa, ang mga sports officials, kabilang ang NCFP, ay walang ginawang aksiyon sa kanyang mga hinaing at hinayaan lamang itong lumipas nang walang pinal na resolusyon.”
Matapos ang paglipat ni So, tumaas siya sa ika-10 ranggo sa mundo sa November 2014 FIDE ratings, at itinuturing din siyang ikalawang pinakamagaling na manlalaro sa USA.
Gayondin, ang ranggo ng US sa FIDE ay tumaas mula #9 ay naging #4, habang ang Filipinas naman ay bumaba mula #32 naging #43. “Sa kabila ng katotohanang walang kakulangan sa talento, sipag, dedikasyon at competitive spirit ang ating mga atleta, ipinapakita ng kaso ni GM So ang nakapanlulumong kalidad ng sports development sa bansa, partikular ang kakulangan sa pagbibigay ng mataas na antas ng pagsasanay upang suportahan ang mga kabataang atleta.”