HABANG papalapit ang pagbisita sa bansa ni Pope Francis, muling nanawagan ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga pasahero na may flight sa Enero 15 at 19, 2015, na kontakin ang kanilang airline o travel agents para sa kanilang revised flight plans.
“As we have earlier announced, there will be no flights arriving in all NAIA Terminals from 2pm-7pm on January 15 and 6am-10:30am on January 19, 2015,” pahayag ni MIAA General Manager Jose Angel Honrado.
Ito ang napagkasunduan sa airlines sa serye ng consultative meetings kasunod ng anunsiyo ng National Organizing Committee na magsasagawa ng road closures sa pangunahing mga kalsada sa paligid ng NAIA Complex sa araw ng pagdating at pag-alis ng Santo Papa. Dumalo rin sa nasabing pulong ang kinatawan ng mga ahensiya ng gobyerno na nag-o-operate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Bilang resulta ng consultative meetings, nag-isyu ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng Notice to Airmen (NOTAM), nag-aanunsiyo ng suspensiyon ng arriving flights sa nasabing mga oras at araw. Gayonman, ang departure flights ay magpapatuloy kung may available na eroplano.
Ang NOTAM ang gagabay sa airline operators sa pagrebisa ng kanilang flight schedules o pagbubuo ng ibang pagpipilian na maaaring mapisil ng mga pasaherong may booking sa nabanggit na mga araw. “The prerogative to cancel, advance, delay or divert flights rests on the airline companies. Whatever it is, MIAA and other government agencies in NAIA will support them,” ayon kay GM Honrado. Inabsuwelto ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang airlines sa ano mang pananagutan kaugnay sa magiging epekto ng suspensiyon ng flight arrivals sa nabanggit na dalawang araw.
Nakatakdang magpatupad ang MIAA final consultative meeting sa airlines at sa mga ahensiya ng gobyerno sa Enero 7, 2015, Miyerkoles, at umaasa ang MIAA na makakukuha ng mga impormasyon kaugnay sa revision preferences na ikokonsidera ng mga pasahero na maaaring maapektohan ng plano ng mga airline na pagpapatupad ng revised schedules, kung mayroon man.
At dahil ang departure flights ay magpapatuloy sa Enero 15 at 19, ipinaalala ni GM Honrado sa mga pasahero na may departing flights sa mga araw na ito na huwag ipagpapaliban ang kanilang flights.
Mainam kung tutungo ang mga pasahero sa airport bago isara ang mga kalsada sa paligid ng NAIA complex dakong 3 p.m. ng Enero 15 at 7 a.m. sa Enero 19. Sa mga araw na ito, ang NAIA Complex ay maaari lamang mapuntahan via South Superhighway sa pamamagitan ng Bicutan, Alabang at Sucat Roads.
Bilang resulta ng road closures, ang NAIA Terminal 3 at 4 ay magiging isolated dahil ang kahabaan ng kalsada mula Sales Avenue fronting Terminal 3 hanggang sa Domestic Road fronting Terminal 4 ay isasara at hindi maaaring daanan ng lahat ng mga sasakyan.