KASUNOD ng pagtataas ng pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) nitong Linggo, epektibo na rin simula kahapon ang dagdag-singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water.
Una rito, kinompirma ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na aabot sa P0.38 kada cubic meter ang taas-singil ng Maynilad habang P0.36 kada cubic meter ang idaragdag ng Manila Water bilang Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA).
Makikita ang ipinatong na singil sa bill sa Pebrero.
Tulad ng taas-pasahe sa MRT at LRT, magugunitang inanunsyo rin ang dagdag-singil sa tubig nitong holiday season kaya kinukwestyon ni Water For All Refund Movement (WARM) President Rodolfo Javellana ang timing nito.
“‘Yan nga ang nakakalungkot na ginawa ng DOTC (Department of Transportation and Communications) at ng MWSS. Dulo na o halos Pasko nung ito ay kanilang inanunsyo at inilabas. Parang tila yata ang timing e para hindi makahabol sa tinatawag na temporary restraining order signing,” giit ni Javellana.
Matagal na aniya nilang iniapela sa MWSS ang tungkol sa isyu ng FCDA.
Ani Javellana, bukod sa FCDA ay may binabayaran na ring Currency Exchange Rate Adjustment (CERA) ang taumbayan para sa paggalaw ng halaga ng piso.
“Kapag tumaas ang foreign exhange, ang local currency ay gumagalaw din… Ibig sabihin, sabay silang gumagalaw,” kaya patuloy ni Javellana, dapat isa lang sa FCDA at CERA ang binabayaran ng taumbayan.