ITINUTURING ng Palasyo na pinakamahalagang kaganapan sa Filipinas ngayong 2015 ang pagdalaw sa Filipinas ni Pope Francis sa Enero 15 hanggang 19 kaya’t nanawagan sa pakikiisa ng mga mamamayan sa isinasagawang mga hakbang para tiyaking maayos ang pagsalubong sa Santo Papa.
“Marahil ay dapat nating bigyan ng diin ‘yung pangangailangan ng pakikiisa ng mga mamamayan sa mga isinasagawang hakbang para tiyaking maayos ‘yung pagsalubong sa ating Santo Papa. Kung pwede po ay makiisa tayo sa mga traffic control measures, makiisa po tayo sa mga panawagan hinggil sa ating mga paggalaw, lalong-lalo na sa mga lugar na dadaanan ng papal motorcade,” ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr.
Nagpalabas na rin aniya ng kalatas ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Manila International Airport Authority (MIAA) hinggil sa magiging epekto sa operasyon ng mga biyaheng panghimpapawid, gayundin sa mga acces road patungo sa paliparan, at dagdag na palugit ng mga magbibiyahe sa tatlong araw na gagamitin ni Pope Francis ang airport.
Gagamitin ng Santo Papa ang paliparan sa kanyang pagdating sa ika-15 ng Enero, pagbiyahe sa Tacloban sa ika-17 ng Enero, at pag-alis sa bansa pabalik sa Roma sa ika-19 ng Enero.
Bilang lider ng Simbahang Katoliko, ang Santo Papa aniya ang nagbibigay ng inspirasyon at patnubay sa mga mamamayan hinggil sa tamang pamumuhay at tamang kaisipan, at iginagalang din maging ng may ibang pananalampataya kaya’t marapat lang na tiyakin ng lahat ang kanyang kaligtasan.
Rose Novenario
Overall preps sa Papal Visit ‘In Place’ – CBCP
HINDI masabi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kung gaano na kalawak ang nagpapatuloy na preparasyon nila para sa pagbisita ni Pope Francis.
Nabatid na ilang araw na lamang mula ngayon ay nasa Filipinas na si Pope Francis sa Enero 15, Huwebes.
Ayon kay CBCP secretary general Fr. Marvin Mejia, abala pa rin ang Simbahang Katolika sa paghahanda mula nang ianunsyo ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle noong Hulyo ng nakaraang taon, na sa ika-apat na pagkakataon ay bibisita sa bansa ang pinakamataas na lider ng Simbahan.
“But the essential elements are in place. The people have been assigned and committees have been made,” pagtitiyak ng CBCP.
Limang araw mananatili sa bansa ang 78-year-old Argentine pope at kabilang sa mga tutunguhin niya ay ang MOA Arena sa Pasay City, gayondin ang Manila Cathedral, Luneta Park, University of Sto. Tomas, at Tacloban.
Sa ngayon ay tinututukan pa rin ng CBCP ang liturgical preparations para sa Santo Papa, gayondin ang transportation, mga kakainin, at ang lugar kung saan magpapahinga ang Santo Papa pakatapos ng mga aktibidad.
Sa panig ng Malacanang, dapat handa anila ang publiko “physically and mentally” lalo’t malaking bilang ng audience ang inaasahan.