SINALUBONG ng protesta ng grupo ng kabataan ang unang araw ng dagdag-singil sa pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).
Pinangunahan ng Anakbayan ang isang lightning protest sa MRT North Avenue station dakong 12 p.m. kahapon.
Lumukso ang mga militante sa ticketing barriers at nagsagawa ng sit-down protest sa istasyon.
“Not only is this fare hike a bad way to start the year, it is truly detestable, given that the current state of our train systems is far from being agreeable,” giit ni Anakbayan National Chair Vencer Crisostomo.
Ilan pang protesta sa ibang istasyon ng MRT at LRT ang ikinakasa ng grupo sa Lunes.
TRO vs MRT/LRT fare hike ihihirit
HIHIRIT ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema ang iba’t ibang grupo para maipatigil ang ipinatupad na taas-pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).
Sinabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares, target nilang maihain ang apela sa Supreme Court (SC) ngayong Lunes o Martes.
Katwiran aniya nila sa pagtutol sa fare increase, “Wala talagang due process na nangyari. Walang hearing, walang consultation.”
Kinuwestyon din ng mambabatas kung saan napunta ang P11.1 bilyong iginawad ng gobyerno para sa rehabilitasyon ng mga tren.
“May budget sila e… Ano nang nangyari doon? Humihingi kayo ng pondo dati to rehabilitate MRT, LRT hanggang ngayon hindi pa nga naaayos ‘yang mga linyang ‘yan.”
Giit ni Colmenares, hindi nalulugi ang operasyon ng MRT at LRT kaya hindi makatwirang ipatupad ang taas-pasahe.
Maximum tolerance sa kilos-protesta
PAIIRALIN ng pulisya ang maximum tolerance bilang tugon sa ilulunsad na kilos-protesta ng iba’t ibang grupo laban sa pagtaas ng pasahe sa LRT at MRT.
Ito ang tiniyak kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. kasabay nang panawagan sa mga lalahok sa mga naturang rally na isaalang-alang ang pangkalahatang kapakanan ng mga mamamayan at huwag sanang maging sagabal sa trapiko at maayos na pagbibiyahe ng mga pasahero.
Kaugnay nito, simula ngayon ay ipatutupad na rin ng Philippine National Railways (PNR) ang fare hike mula sa minimum na 10 ay magiging P15, habang ang maximum fare ay P60 na mula sa P45.
Rose Novenario