PINAG-IINGAT ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga residente sa Visayas na natukoy na may sinkhole.
Kabilang dito ang Brgy. Manduyong, Badian, Cebu, kung saan biglang lumubog ang isang lugar makaraan ang mga pag-ulan dulot ng bagyong Seniang.
May lawak na 20 metro at lalim na 15 metro ang nasabing sinkhole.
Ngunit kahit naitala ito sa lugar na malayo sa mga kabahayan, marami pa rin mga residente ang nabahala sa posibilidad na masundan pa ang paglubog ng lupa.
Hiling ng mga naninirahan sa Badian, magsagawa ng pagsusuri ang MGB upang matukoy kung alin pang mga lugar ang maaaring lumubog upang makalipat sila sa mas ligtas na lugar.
Lumalabas sa mga pag-aaral na ang matagal na pag-ulan ang nagpapalambot sa anyong lupa na nagiging dahilan upang bumigay ito at lumubog.