MAY grupo sa Amerika na gumagalaw ngayon para dagdagan ang pressure sa balikat ni Floyd Mayweather Jr. na magdesisyon na para labanan si Manny Pacquiao.
Ang grupo ng boxing aficionados na sinasabi natin ay pinangalanang FLOYDCOTTS.
May layon ang grupo na presyurin si Floyd na harapin ang hamon ni Manny na siyang pinakahihintay ng lahat ng nagmamahal sa boksing.
At kapag hindi siya tumugon sa sigaw ng boxing aficionados—boboykotin nila ang mga susunod pang laban ni Floyd.
Ang grupong ito ay dati nang nabuhay sa panahon ni Roy Jones. Ito ay nang magdesisyon si Jones na labanan ang walang kaasim-asim na si Julio Gonzalez para sa pay-per-view. Pinangalanan silang ROYCOTT. Ang ibig sabihin ay iboykot si Roy.
May katwiran ang mga fans na magdikta ng magandang laban. Aba’y sila ang nagbabayad para sa kaganapan ng bawat bout. Karapatan naman nila na humiling ng magandang laban. Hindi yung magmumukhang one-sided ang bakbakan na walang tiyansa ang kalaban na manalo.
Obyus na ganoon ang ginagawa ngayon ni Floyd. Namimili siya ng kalaban na alam niyang walang tsansang manalo sa kanya.
Kaya siguro binuhay na naman sa Amerika ang grupo.
At kapag tuluyang nabuhay ang grupo dahil sa pagtanggi ni Floyd na labanan si Pacman, maraming tiyak ang sasama pa. Tiyak na lalangawin na ang mga susunod pang laban ni Mayweather.
Sinabi nga ni Don Chargin, isang beteranong sports writer, na ang Mayweather vs Pacquiao match-up ay dumating na sa pinakadulo ng papularidad. At kapag nadismaya pa ang boxing fans, tiyak na may buwelta iyon.
“You can’t keep doing this to the paying customers and expect them to be okay with it,” pahayag ni Chargin.
“Everyone involved needs to realize that the fight fans have been emotionally invested in this rivalry for the past several years, so they expect and deserve to witness the historic conclusion,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan ay nasa Mayweather’s court ang bola. Lalo na nang direktamenteng naghamon si Pacquiao pagkatapos dominahin niya sa laban si Chris Algieri nitong nakaraang buwan.
At kapag hindi pa rin natuloy ang laban—lahat ng sisi ay ibabato kay Floyd ng fans.
ni ALex L. Cruz