UMAASA si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na matutuloy ang kanilang pagkikita ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, na isa sa itinuturing na malaking hudyat para sa pagsisimula ng usaping pangkapayapaan ng gobyerno at ng komunistang grupo.
Sa pahayag na ipinadala ni Sison sa isang national newspaper, sinabi ng CPP founder, posibleng matuloy ang kanilang pagkikita ni Pangulong Aquino kapag mayroon nang substantive agreement at magkakaroon nang makabuluhang resulta hinggil sa planong pagbabalik sa negotiating table ng dalawang panig. Bilang halimbawa nito ang isinagawang secret meeting ni Pangulong Aquino kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) chief Murad Ebrahim na naging hudyat sa pagsisimula sa usaping pangkapayaan ng gobyerno at MILF.
Magugunita, una nang plinano ang isang pagpupulong ng pangulo at ni Sison noong 2012 makaraan ang matagumpay na pagpupulong kay MILF chief Murad noong 2011 sa Tokyo, Japan.