IGINAGALANG ng Palasyo ang pagpaparating ng saloobin ni Andrea Rosal kay Pope Francis, ngunit hukuman ang magpapasya sa hirit niyang makalaya.
“Nasa ilalim ng hurisdiksyon ng hukuman ang pagkapiit kay Binibining Andrea Rosal. Iginagalang namin ang pagpapahayag ng kanyang saloobin at pagpaparating nito sa mahal na Santo Papa,” ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr.
Si Andrea ay anak nang namayapang New People’s Army (NPA) spokesman Gregorio “Ka Roger” Rosal, na buntis nang dinakip noong Marso 2014 sa Caloocan City dahil sa mga kasong kidnapping at murder, na aniya’y imbento lang ng militar.
Nanganak si Andrea habang nakapiit ngunit agad din namatay ang sanggol na aniya’y bunsod sa pagkakait sa kanya ng atensiyong medikal.
Lumiham si Andrea kay Pope Francis para mamagitan sa administrasyong Aquino upang palayain siya.
“My innocent child bore the effects of the trumped-up charges against me. My detention is unjust. I am not guilty of the charges against me even as I continue to suffer the loss of my child,” aniya sa liham sa Santo Papa.
Nakatakdang bumisita sa Filipinas si Pope Francis sa Enero 15 hangang 19.
Rose Novenario