IDINEKLARANG nawawala ang isang AirAsia Flight QZ8501 mula Surabaya, Indonesia at patungong Singapore nang biglang mawalan ng contact ang air traffic control.
Nakatakda sanang lumapag sa Changi Airport ang nasabing AirAsia flight dakong 8 a.m. kahapon.
Ang naturang eroplano ay isang Airbus 320-200.
Ayon sa isang Transport Ministry official na si Hadi Mustofa, nawalan ng contact ang air traffic control sa nasabing eroplano.
Sinabi ni Mustofa, humingi ng unusual route ang nasabing eroplano bago tuluyang mawalan ng contact.
Samantala, kinompirma ng AirAsia na nawawala nga ang flight QZ8501.
“AirAsia Indonesia regrets to confirm that flight QZ8501 from Surabaya to Singapore has lost contact with air traffic control at 07:24hrs this morning,” pahayag na ipinalabas ng AirAsia.
Ayon sa airline, naglunsad na sila ng search and rescue operations upang makita ang nawawalang eroplano.
“At the present time we unfortunately have no further information regarding the status of the passengers and crew members on board, but we will keep all parties informed as more information becomes available,” dagdag na pahayag ng airline company.
Inihayag ng Indonesian Transport Ministry na may lulang 155 katao ang nasabing eroplano na binubuo ng 149 Indonesians, 3 Koreans, 1 Malaysian; 1 Briton; at 1 Singaporean.
Agad naglatag ng Emergency Call Center ang Indonesian Transport Ministry kung saan pwedeng tumawag ang mga kamag-anak ng mga pasahero sa telephone number +622129850801.
(AFP/Reuters)
Air Asia pa nagkaaberya sa Tagbilaran
NAGKAABERYA ang isa sa mga eroplano ng AirAsia sa Tagbilaran Airport sa Bohol nitong Linggo.
Dahil dito, naglabas ng notice to airmen (NO-TAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na pansamantalang nagbabawal sa malalaking eroplano na lumapag sa paliparan.
Sinabi ni CAAP Spokesman Eric Apolonio, isang eroplano ng AirAsia A320-EZD351 ang nagkaaberya nang ma-flat ang isa sa mga gulong nito paglapag sa Tagbilaran Airport.
Dahil sa kipot ng runway ng paliparan, kinailangan aniyang limitahan sa maliliit na eroplano ang operasyon nito habang isinasaayos ang eroplano ng AirAsia.
Epektibo ang NO-TAM dakong 11 a.m. hanggang 6 pm kahapon.
Kaparehong airlines ang nawawalang flight na 155 pasahero ang sakay mula Indonesia patungong Singapore.
GMG