BILANG paghahanda sa PBA Commissioner’s Cup, sasabak ang North Luzon Expressway sa 2015 Dubai Invitational Tournament sa United Arab Emirates .
Aalis ang Road Warriors sa Enero 14 pagkatapos ng kanilang bakasyon ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ang nasabing torneo ay dating sinalihan ng Gilas Pilipinas ni coach Rajko Toroman noong 2011.
Sinabi ng team manager ng NLEX na si Ronald Dulatre na magiging import ng Road Warriors ang dating NBA star na si Al Thornton ng Los Angeles Clippers.
“Actually may short list kami for imports, pero in terms of being fit in the system of coach Boyet (Fernandez), mas okay siya (Thornton) at straightforward naman siya sa contract,” wika ni Dulatre.
Maagang nagbakasyon ang NLEX sa PBA Philippine Cup pagkatapos na matalo ito sa quarterfinals kontra Alaska .
Samantala, sisikapin ng Purefoods na muling ibalik sa kanila ang beteranong import na si Denzel Bowles na naglalaro ngayon sa Tsina.
May unang plano ang Hotshots na kunin ang dating Alaska import na si Diamon Simpson ngunit may kontrata si Simpson sa isang liga sa Espanya.
“We thought we had Diamon, but his team decided to renew his contract, so we couldn’t get his release,” ani Purefoods coach Tim Cone. “Now, Denzel is our first option. But we’ll have to measure him first.”
(James Ty III)