ANG apat na koponang nagtaglay ng twice-to-beat advantage sa unang yugto ng quarterfinals ng PBA Philippine cup ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa’t idinispatsa na kaagad ang kanilang mga kalaban.
Sa totoo lang, expected naman na didiretso ang tatlo sa mga ito nang walang kaabug-abog. Llamado kasi ang Alaska Milk sa NLEX, ang Talk N Text sa Barako Bull at ang Barangay Ginebra sa Globalport.
Pero isang napakalaking upset ng panalo ng Meralco laban sa defending champion Purefoods Star.
At isang game lang ang kinailangan ng Bolts para tuluyang pasibatin buhat sa kinalalagyang trono ang Hotshots.
Kung meron kasing isang match-up na inaasahang aabot sa sukdulan, ito sana iyon. Kasi nga’y kampeon ang Purefoods at naghahangad na maibulsa ang ikalimang sunod na korona.
Well,masakit para sa Hotshots ang nangyari. Pero tanggap naman nila iyon. Kasi, hindi naman talaga sila puwedeng maghari forever. Nagpapalakas din naman ang ibang teams at pinaghahandaan sila.
Kumbaga ay wake up call din ito para sa Hotshots. Hindi sila dapat makuntento sa kanilang kinalalagyan. Kailangan pa rin nilang magpalakas at sabayan ang ibang teams sa pagpapalakas.
Inaasahang gaganti ang Hotshots sa second conference!
ni Sabrina Pascua