WALA pang pahayag ang singer-actress na si Agot Isidro kaugnay sa report na nawalan siya ng tinatayang P3 million cash at jewelry makaraan mabiktima ng “dugo-dugo gang” sa Quezon City nitong weekend.
Inihayag ni PO2 Marlon dela Vega ng QC Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, naloko ang kasambahay ni Isidro na si Maenelyn Omapas nang makatanggap ng phone call sa isang ‘di kilalang babae.
Sinabi ng suspek kay Omapas na nasangkot sa vehicular accident ang 48-year-old singer/actress at kailangan ng pera para makipag-ayos sa isang Ana Chua.
Agad sinunod ng nasabing kasambahay ang suspek, nagtungo sa Wilcon Home Depot store sa Balintawak at ibinigay ang pera at mga alahas ng amo.
Pagkauwi sa bahay, nabatid ng kasambahay na nasa trabaho pa ang kanyang amo.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.