ROXAS CITY – Sugatan ang tatlong mga bombero sa nasunog na engine room sa ika-apat na palapag ng Gaisano City Mall sa Arnaldo Boulevard, Roxas City kahapon.
Dumanas ng mga paso sa kamay at leeg sina FO1 James Agarrado, FO1 Philamer Distura at FO3 Alexander Aninacion, ng Roxas City fire station, kabilang sa unang nagresponde sa loob ng engine room na sinasabing pinagmulan ng apoy.
Ayon kay Agarrado, hindi nila makayanan ang init sa loob at ang makapal na usok dahil malaki na ang apoy sa kanilang pagpasok.
Sinabi ng ilang tenants ng mall, isang pagsabog ang narinig mula sa mechanical department na pinaniniwalaang nagmula sa generator set.
Habang sinabi ni Michael Abaricio, isa sa mga naka-duty na maintenance crew, napansin na lamang niyang umuusok na ang bahagi ng engine room. Doon nakalagay ang limang mga generator set na pawang tinupok ng apoy.
Napansin din sa loob ng engine room ang ilang galon na sinasabing may lamang krudo.
Napag-alaman, hindi nagbukas kamakalawa ang mall dahil sa bagyong Ruby at pinaandar lamang ang genset para sa ilang nakaimbak na mga produkto.
Nangyari ang sunog ilang minuto bago ang nakatakdang pagbubukas ng mall para sa operasyon kahapon.