KAHIT ginabayan ni Eric Gonzales ang Globalport sa impresibong 98-77 na panalo kontra Barangay Ginebra San Miguel sa PBA Philippine Cup noong Linggo ay hindi sigurado kung mananatili pa siya sa puwesto pagkatapos ng torneo.
Muling iginiit ng head ng basketball operations ng Batang Pier na si BJ Manalo na interim coach pa rin si Gonzales na dating assistanty coach ni Pido Jarencio.
Ginawang consultant na lang ng Globalport si Jarencio habang pinalitan ni Bonnie Tan si Manalo sa pagiging team manager ng Batang Pier.
“We just wanted something different. We feel na we have given si coach Pido a chance,” ani Manalo. “Besides, he took it like a man kasi he knows na ang mga changes ay bahagi ng coaching dito sa PBA.”
Ilang beses na naging assistant coach si Gonzales sa UAAP at PBA bago siya nabigyan ng break na hawakan ang Globallport.
“I’m just following the orders. Basta ako po, gagampanan ko lang yung trabaho ko,” ani Gonzales na dating sumikat sa UST bilang atleta sa track and field bago siya naging coach sa basketball.
“Madami akong natutunan kay coach Pido. Natuto lang din ako dun sa ibang coaches. Ginagaya ko sila coach Norman Black, sila coach Boyet Fernandez. Sinubukan naming gawin yung ginawa nila na delaying tactics.” (James Ty III)