NAGHAHANAP na ang Palasyo ng magiging kapalit ni Health Secretary Enrique Ona kaya pinalawig ang bakasyon ng kalihim ayon, sa isang Palace source kahapon.
Aniya, kaya hindi masabi ng mga tagapagsalita ng Malacanang kung hanggang kailan ang bakasyon ni Ona ay dahil wala pang napipisil na itatalagang bagong kalihim ng Department of Health (DoH).
“Yung leave ni Ona ay ‘open-ended’ kasi most likely, on the way out na siya. Naghahanap na lang ng papalit sa kanya,” sabi ng source.
Nitong Biyernes, kinompirma ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hiniling ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. kay Ona na palawigin ang kanyang bakasyon para magkaroon nang sapat na panahon si Pangulong Aquino na pag-aralan ang isinumiteng report ng health secretary on-leave hinggil sa pagbili ng DoH ng anti-pneumonia vaccines.
Nauna rito, inamin ng Pangulo na pinagbakasyon niya si Ona noong huling linggo ng Oktubre para ihanda ang report na magbibigay katwiran sa pagbili ng DoH ng anti-pneumonia vaccine na PCV10 imbes na PCV13 na rekomendado ng World Health Organization (WHO).
Inutusan din ng Pangulo si Justice Secretary Leila de Lima noong nakaraang Hunyo na paimbestigahan kung may anomalya ang kontrata nang pagbili ng DoH sa PCV10.
Rose Novenario